BUMABA ang benta ng karneng baboy sa apat na bayan ng Bataan dahil sa presensiya ng African swine fever (ASF) sa dalawang bayan, ayon sa mga nagtitinda ng karne kamakailan.
Nakita sa laboratory tests noong Miyerkoles na may presensiya ng virus sa ilang babuyan sa apat na barangay sa Dinalupihan at isa sa Hermosa.
Kinumpirma nina Dinalupihan Mayor Maria Angela Garcia at Hermosa municipal administrator Rex Jorge ang report, sabay sabing ipinatupad nila ang nararapat na hakbang para mapigilan ang virus.
Maliit na volume ng karneng baboy lamang ang ibinebenta sa Dinalupihan public market.
Ayon kay Virgilio Sacdalan, isang tindero ng karneng baboy at manok na nagbebenta na lamang siya ng karneng manok.
Maraming mesa sa meat section stalls ang walang tinda.
“Iniutos na huwag magtinda kahapon. Ipinasara ni mayora (Garcia) ang slaughterhouse gawa ng nagpositibo sa ASF. Baka one month daw kaming hindi magtitinda,” sabi niya.
Binigyan ng order si Sacdalan at karamihan ng mga nagtitinda ng karne ay kumukuha ng kanilang supply mula sa Tabacan slaughterhouse sa Dinalupihan, na ipinasara noong Huwebes.
Sinabi niya na may ilang nagtitinda ang nagbebenta pa rin ng karneng baboy pero iilang tao na lamang ang bumibili.
Isa pang tindera ang nagsabi na, “Natatakot ang mga tao kahit ang baboy namin walang swine fever.”
Sa mga pamilihan sa Orani at Samal, kung saan walang nadiskubreng ASF, ang takot sa sakit ng baboy ay naramdaman din na nagresulta sa kakaunting tao ang bumibili ng karneng baboy. Ang mga bayang ito ay malapit sa Dinalupihan at Hermosa.
“Nang magkaroon ng ASF, matumal ang benta. Dati anim, apat, limang baboy, ngayon tatlo na lamang nauubos,” pahayag ng isa pang vendor sa Orani public market.
Isang vendor naman sa Samal public market ang nagsabi, “Dati nakakaubos kami ng isang baboy, ngayon one-fourth na lang, hindi pa maubos.”
Sa kabila nito, sinabi niya na hindi naman nila binawasan ang presyo ng karneng baboy. PNA
Comments are closed.