Bentahan ng droga sa Iloilo City talamak sa panahon ni Mabilog — Bato

IGINIIT ni Senador Ronald ”Bato” dela Rosa na talamak ang ilegal na droga sa Iloilo City sa ilalim ng pamumuno ni dating Mayor Jed Mabilog.

Ayon sa senador, ito ang dahilan kung bakit isinama si Mabilog sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte noon at hindi dahil kaalyado siya ng dating administrasyon.

Sa pag-upo ni Duterte, sinabi ni Bato na pinakamalakas ang bentahan ng shabu sa Iloilo City kaya doon tumutok ang mga intelligence agency ng gobyerno.

Katwiran ni Bato, kung susundan ang katwiran ni Mabilog na pulitika ang dahilan, sana nilagay na ni Duterte ang lahat ng mga lokal na opisyal sa buong Pilipinas dahil marami sa kanila ang hindi sumuporta sa kanyang kandidatura noong 2016.

Aniya, wala ring dahilan para iugnay ng Duterte administration sina dating Senador Mar Roxas at Franklin Drilon sa ilegal na droga, gaya nang akusasyon ng Mabilog, dahil natalo sila sa halalan noong 2016.

Sa kanyang pagharap sa House Quad Committee, ikinatwiran ni Mabilog na napilitan daw siyang abandonahin ang mga Ilonggo noong 2017 at nanatili sa ibang bansa ng pitong taon matapos isangkot ni Duterte sa droga.

Habang nasa ibang bansa, pinatawan ng Ombudsman si Mabilog ng perpetual disqualification sa paghawak ng anumang puwesto sa gobyerno matapos siyang mapatunayang guilty sa kasong “serious dishonesty” dahil sa hindi maipaliwanag niyang yaman.

Kahit na itinanggi ni Mabilog ang kinalaman sa ilegal na droga, hindi pa riyan natatapos ang kanyang problema dahil plano ng Department of Justice (DOJ) na silipin ang kanyang kaugnayan dito.

Bukod pa rito, sinampahan siya ng kasong katiwalian sa Sandiganbayan sa umano’y pakikialam niya sa paggawad ng kontrata sa isang towing services firm.