BENTAHAN NG GULAY APEKTADO NG CLEAN-UP SA MAYNILA — BENGUET FARMERS

TOBACCO FARMERS

NADAMAY at apektado maging ang mga magsasaka sa Benguet ng pagbabawal sa street vendors sa Recto at Divisoria.

Iniyahag ni Agot Balanoy, general manager ng Benguet Farmers’ Marketing Association, naging matumal ang benta ng mga magsasaka dahil nabawasan ng 30 porsiyento ang mga bumibili sa kanila mula Maynila.

“Alam naman natin na through news naglinis si Mayor Isko (Moreno) sa Maynila. Maraming mga pinatanggal na  bentahan o tindahan ng vendors doon, kaya marami talaga ang nagbawas ng purchase nila rito, pati ’yung mga latag. ’Yung dati na four lanes na pinagdi-displayhan ng gulay two lanes na lang ang binigay sa kanila,” paliwanag niya.

Malaki umano ang naging epekto sa bentahan ng gulay mula Benguet ang pagbabawal sa mga street vendor sa Maynila.

“‘Yun ’yung pinakamalaking rason ng matumal na benta, kasi sa Metro Manila sila ang halos kumukuha ng 80 percent ng production natin dito. ‘Yung 20 percent other parts of the country na,” dagdag ni Balanoy.

Lahad naman ng isang vegetable dealer, hindi na rin umano masyadong nag-aangkat ng gulay mula sa Benguet ang mga buyer nila mula sa Maynila.

“‘Yung bumibili ng 500 kilo noon bumibili na lang ng 100 kilo nga­yon. Tsaka ’yung bumibili ng 200 kilo noon, 50 na lang ngayon,” aniya.

Dahil dito, may mga magsasaka umanong napipilitan na lamang ipakain sa mga baboy o itapon ang mga gulay na hindi nabebenta.

Kung maayos pa ang kondisyon ng mga gulay, ang iba umano ay ipinamimigay bilang donasyon.

“We need to go down sa Manila and discuss with the mayor doon para malaman din niya ‘yung effect dito baka kasi hindi niya alam ‘yung domino effect dito sa mga farmer. So maybe we can have a dialogue. Para may win-win solution para sa mga tindera at farmers natin dito,” ani Balanoy.

Umaasa sila na magiging mas maayos ang sitwasyon para sa mga magsasaka matapos ang pakikipag-usap nila sa lokal na pamahalaan.

Kasalukuyan pang pinagpaplanuhan ng lokal na pamahalaan ng Benguet kung paano matutulungan ang kanilang mga magsasaka.

Isa ang Benguet sa mga pinagkukunan ng mga gulay tulad ng lettuce, repolyo, carrots at patatas.

Nauna nang pinaalis ni Moreno ang mga vendor mula Recto Avenue at Juan Luna Street sa Divisoria, at ipinalipat ang mga ito sa mga bangketa ng mga kalsada sa lugar gaya ng mga kalye ng Ylaya, Zamora, Carmen Planas, Santo Cristo at Jaboneros.

Comments are closed.