BENTAHAN NG LOTTO TICKETS AT LOTTO DRAW, SUSPENDIDO SA PASKO AT BAGONG TAON

pcso

INIANUNSIYO ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na kanselado ang bentahan ng lotto tickets, gayundin ang lotto draw sa mismong araw ng Pasko, Disyembre 25, at sa Bagong Taon, Enero 1, na kapwa pumatak sa araw ng Biyernes.

Batay na rin ito sa inilabas na anunsiyo ng PCSO hinggil sa schedule ng pagbebenta ng lotto tickets at aktuwal na lotto draws para sa 2020 Yuletide Season.

Samantala, sa Disyembre 24, bisperas ng Pasko at sa Disyembre 31, bisperas ng Bagong Taon, sinabi ng PCSO na ang selling period ay mula 7:00 ng umaga hanggang 11:15 ng umaga lamang para sa morning draw ng 3D at 2D Lotto habang 11:35 ng umaga hanggang 12:15 ng tanghali ang selling period para sa afternoon draw ng 3D at 2D Lotto.

Dakong 12:35 ng hapon hanggang 1:30 ng hapon naman ang selling period para sa evening draw ng 3D at 2D Lotto.

Mayroon namang 7:00 ng umaga hanggang 1:30 ng hapon na selling period para sa Super Lotto 6/49 at Regular Lotto 6/42 at ang actual draw nito ay isasagawa ng mas maaga o ganap na 2:00 ng hapon.

Ang Keno naman ay may selling period mula 7:00 ng umaga hanggang 1:55 ng hapon.

Sa nasabing anunsiyo, ipinabatid ng PCSO na regular ang schedule ng lotto selling at draws mula sa Disyembre 26 hanggang sa Disyembre 30 gayundin sa Enero 2, 2021 onwards.

Kaugnay nito, muling nanawagan si PCSO General Manager Royina Garma sa publiko na tangkilikin ang mga PCSO games dahil sa halagang P20 lamang ay magkakaroon na sila ng tiyansang maging instant milyonaryo at makakatulong pa sa mga kababa­yan nating nangangailangan. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.