BENTAHAN NG P29/KILO NG BIGAS BABANTAYAN

MAGPAPATUPAD ang Department of Agriculture (DA) ng monitoring system upang maiwasan ang hoarding ng P29 kada kilo ng bigas na ibinebenta sa Kadiwa stores.

Kabilang sa posibleng opsyon ay ang paggamit ng booklets na katulad sa ginagamit sa mga botika.

 Ito ay upang matiyak na ang limitadong suplay ay ma-maximize at walang pamilya na bibili ng higit sa 10-kilo per month limit sa ilalim ng kanilang  guidelines.

“Una, kailangan may ID sila, makikipagtulungan tayo sa mga lokal na pamahalaan, this is through our Kadiwa system. Mayroon naman nang existing card eh, halimbawa senior citizen, 4Ps, may card yan. ‘Yun pagbabasehan natin na naka receive sila,” wika ni Asec Arnel de Mesa, spokesperson ng DA.

Nauna nang inanunsiyo ng National Food Authority (NFA) Council na inaprubahan nila ang pagbebenta ng kanilang luma ngunit ‘good stock’ upang matulungan ang mga tao na makayanan ang tumataas na presyo ng bigas.

Ang Bigas29 ay nasa kanilang dry-run version, at ang full implementation ay nakatakda sa Hulyo.