BENTAHAN NG VOTER DATABASE MATAGAL NANG KALAKARAN

Senate President Vicente Sotto III

AMINADO si Senate President Vicente Sotto III na matagal nang nangyayari ang bentahan ng database ng ilang tiwaling taga-Comelec at mga dealer gaya ng ibinunyag sa  pagdinig sa Senado ni Atty. Glenn Chong ng Tanggulang Demokrasya.

Ayon kay Sotto, marami na rin ang nagbanggit sa kanya ng ganitong uri ng dayaan tulad ng sa Nueva Ecija at Iloilo na mismong ang mga dealer at tiwaling empleyado ng Comelec ang nag-aalok nito.

Kasabay nito, hinikayat ni Sotto ang Comelec na imbestigahan ang mga ibinunyag ni Chong.

Naniniwala naman si Sotto na dahil sa pagkakaroon ngayon ng DITC ay  mayroon nang tututok ng ginagawa sa computerization ng halalan.

Sa pagkakaalam ni Sotto, madalas na nangyayari ang dayaan sa database sa mga lokal na pamahalaan tulad ng  paglipat sa ibang presinto ng ilang botante sa mga hindi boboto sa isang kandidato.

At dahil dito, hindi makikita ng botante ang pangalan nito sa inaasahang presinto at hindi makakaboto na papabor sa kalabang kandidato ng isang kandidato na kumagat sa alok na bentahan ng database.

Kaugnay nito ay naghugas kamay kahapon si Atty.  Chong nang sabihin na “misquoted” lang siya makaraang paratanganan nito na nabayaran ang Senate media kaya hindi lumabas ang ibinulgar nito sa Senate hearing noong nakaraang linggo.

Paliwanag ni Chong na misquoted lamang siya at itinanggi ang naturang paratang sa mga mamamahayag ng Senado.

Iginiit pa ni Chong, hindi nito kalaban ang media sa halip ang Smartmatic aniya ang kalaban nito na nandaya noong nakaraang halalan lalo na sa puwesto ng bise presidente  na pinagtunggalian nina dating senador Ferdinand Bongbong Marcos Jr. at Leni Robredo.        VICKY CERVALES

Comments are closed.