BERDENG PALIGID SA VERDIVIEW

VERDIVIEW

(ni CHEN SARIGUMBA-JUSAY)

MAHILIG magluto at kumain ang mga Filipino, kaya naman maraming mga putahe ang ibang bansa na kayang-kaya nating gawin. Isa na sa pinakakilala na may hagod ng Pinoy ang spaghetti na maging ang sauce ay mayroon nang Pinoy Style.

Kahit pa kayang-kayang kopyahin ng mga Filipino ang iba’t ibang pagkain, may mga tao pa rin na mas kampanteng kumain kung saan ito kilala.

Ilan sa mga pagkaing ito ay ang lomi na kilalang-kilala sa Batangas, Bicol Express na nakagagana ang pagiging maanghang at kung gusto mo namang humigop ng mainit at malinamnam na sabaw ay maaari kang magpunta sa Tagaytay para matikman ang kanilang ipinagmamalaking bulalo.

Sa Maynila, marami kang mabibilhan ng bulalo pero tila naram­daman namin na iba ang lasa kapag sinadya mo ito sa Tagaytay. Bumiyahe kami ng ilang oras at pinuntahan ang isa sa paborito naming kainan doon, ang Verdiview.

Maganda ang lugar, punumpuno ng bulaklak. Sa pasukan pa lamang ay luntian na ang paligid at sinadyang palibutan ng bulaklak at halaman. Presko sa paningin hindi tulad sa Maynila na nagpapagandahan lamang madalas sa ilaw para makaakit ng kostumer.

Pinoy na Pinoy ang dating dahil lulusong ka pababa sa bahagyang makipot na batong hagdan. Kapag nasa ibaba ka na, doon mo makikita ang mabulaklak na paligid. Ang bawat kainan doon ay hindi tulad ng madalas nating makita. Kubo ang mga ito at may iba-ibang laki depende kung ilan kayo sa grupo.

VERDIVIEW2Pagkapasok mo pa lang ay makikita mong gawa rin sa kahoy ang muwebles. Napaliligiran kayo ng ilang mga punong kahoy dahilan kung bakit malamig ang lugar. Sa bandang dulo naman nito ay naroon ang play room para sa mga may dalang bata.

May banda ring nagpupunta sa kubo para haranahin ang mga taong kumakain doon at batiin ang mga may kaarawan.

Ang menu ay Pinoy na Pinoy rin. Nariyan ang daing na bangus, hipon, pakbet, crispy pata, pansit at ang hindi magpapahuli sa listahan na dinarayo sa kanilang lugar, ang bulalo.

Pakiramdam mo ay lasang-lasa mo ang li­namnam nito kumpara sa mga nabibili sa Maynila. Marahil ay naitanim na sa utak natin na kapag nagmula sa isang lugar ang isang pagkain, mas mainam na doon mo ito bilhin dahil hindi makokopya basta-basta ang lasa nito. Para bang may iba itong paraan ng pagluluto na sinisekreto para hindi magaya ng ilan.

Ang isa sa ikinatutuwa ko sa lugar ay ang pagiging malamig nito sa mata. Halos lahat ng makikita ay luntian at kung pang-upload sa social media lang din naman na magandang anggulo ang gusto mo, hindi ka mahihirapang maghanap ng puwesto. Bawat pihit mo, may makikita kang maaari mong maging materyal para maging maganda ang iyong background.

May nakahiwalay rin silang kwarto para sa maraming miyembro ng grupo na hindi magkakasya sa kubo sa ibaba. Kahit pa kuwarto ito ay nilagyan din nila ng disenyong mga bulaklak kahit pa ang ilaw sa gitna ng mga mesa.

Komportable, masarap ang pagkain, may musika at mababait din ang mga nagsisilbi roon. Lahat ng kailangan mo ay tinutugunan nila. Presko ang hangin dala ng mga mga punong nasa paligid. Malayo ka sa magulo at matrapik na araw-araw nating nararanasan sa Manila.

Ang isa pa sa nakakabuti sa lugar na ito bagama’t ilang oras ang biyahe ay nagkakaroon kayo ng panahon ng iyong pamilya para magsama-sama o magka-bonding.

Comments are closed.