BERKELEY NG BIKOL SA BU EAST CAMPUS, PINANGARAP

PINURI at pinasalamatan ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda ang ‘Higher and Technical Education Committee’ ng Kamara sa pagpasa nito sa panukalang batas na naglalayong itatag ang ‘Bicol Innovation, Research, and Technology Hub (BIRTH)’ at mga pasilidad nito sa Bicol University (BU) – East Campus sa lungsod ng Legazpi.

Ayon kay Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee’ at pangunahing may akda ng naturang panukalang batas (HB 1302), ang BU ay magiging gaya ng ‘University of California (UC) system’ sa Bicol, at “magiging katumbas ng ‘UC – Berkeley ang sistema nito, kaya napakahalaga ang programa at balangkas sa pagsulong nito,” giit niya.

Ipinaliwanag ng mambabatas na ang HB 1302 na pangunahin niyang inakda ay kaugnay sa pananaw ng BU na maging ‘world class university’ na “humuhubog sa malikhaing mga lider na nagsusulong ng makabuluhang pag-unlad ng lipunan kaya kailangan nitong pasimulan at isulong ang tamang balangkas na tutugon sa mga pangangailangan nito,”

“Kailangan ng bawat ekonomiyang industriyal ang isang Sentro kung saan isusulong ang paglikha ng mga mahahalagang kaalaman sa lipunan at industriya. Iyan ang magiging papel ng BU East, na napakamahalaga ang maitutulong sa pagpagpapaunlad ng Bicol bilang isang ‘advanced regional economy’ mula sa agrikultura nitong ugat,”dagdag niya.

Ang BU, lalo na ang ‘College of Engineering’ nito, ay pugad ng ‘topnothers’ o mga nangunguna sa mga pagsusulit ng Professional Regulation Commission at napapanatili ang ‘overall performance’nito sa ‘engineering board examinations’ na higit na mataas sa ‘national passing percentage,’ dagdag niya.

Binigyang diin ni Salceda na layunin ng HB 1302 na magkaroon ng mga pasilidad kasama ang “well-equipped classrooms and laboratory facilities that meet the standards of a globally competitive engineering school” ang ang BU East Campus na naaayon sa ‘Physical Development Plan’ nito na poponduhan ng pamahalaan.

Sa pamamagitan ng pangarap niyang ‘Berkeley sa Bikol’, inaasahang uusbong sa Albay ang mga bago at ‘technology companies’ at ang mga pakinabang mula sa kanila ay lalaganap sa iba pang mga pamayanan at rehiyon.

“Batay sa resulta ng mga pagsusulit ng PRC, maraming pinakamahuhusay na mag-aaral sa Albay. Kailangan lamang na magkaroon ng magandang kapaligiran at mga pasilidad para sa mabisang pag-iisip at pag-aaral na magiging daan para sila’y maging malikhain,” dagdag diin ni Salceda.