BEST PERFORMING LGU COOP DEV’T AWARD SA BULACAN

bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS-Dahil sa mga na­ngungunang programa at dedikasyon sa mga negosyo at mamumuhunan sa lalawigan, kinilala ang Bulacan, sa pamamagitan ng Provincial Cooperative and Economic Development Office (PCEDO) bilang Best Performing LGU in Cooperative Development sa National Gawad Parangal ng Cooperative Development Authority, sa Novotel Hotel, Quezon City kamakailan.

Bukod sa pagiging kampeon sa kategoryang pangprobinsiya, naipakita rin ng Bulacan ang epektibong pagganap sa pag-unlad ng kooperatiba nang makuha ng Bagong Barrio Multi-Purpose Cooperative mula sa Pandi, Bulacan ang unang puwesto para sa Most Outstanding Primary Cooperative para sa Large Category. Dagdag pa rito, iginawad sa San Jose Del Monte Credit and Development Cooperative ang ikatlong puwesto sa parehong titulo.

Samantala, itinanghal naman  ang Marilao Cooperative Office mula sa Marilao, Bulacan bilang ikalawang puwesto para sa municipal category.

Maliban sa Bulacan, tinanggap din ng Dinagat Island ang ikalawang pawesto para sa provincial Best Performing LGU habang nakuha ng probinsiya ng Kalinga ang ikatlong puwesto.

Ayon kay Cynthia Abiol, pinuno ng PCEDO, sinuri ng National Gawad Parangal ang iba’t ibang pamantayan upang kilalanin ang mga lalawigan at kooperatiba na may magandang ipinakita pagdating sa programa, paglalaan ng pondo, mga naisagawang proyekto, partnership, paglahok sa komunidad, pagsasanay, tulong pinansiyal, at mga nakuhang parangal.

Kaugnay nito, sinabi ni PCEDO Project Development Officer III Jeremis Caguingin na ang para­ngal na ito ay isa lamang patunay na ang Bulacan, na kilala bilang kapital ng kooperatiba sa Filipinas, ay patuloy sa legasiya nitong maging halimbawa ng natatanging negosyo at pangangasiwa ng mga ito.

Kilala ang Bulacan bilang tahanan ng makasaysayang pag-unlad ng mga kooperatiba at isa sa mga probinsiyang may pinakamaraming bilang ng mga CDA accredited training providers, maging ng mga aktibong kooperatiba sa bansa.    A. BORLONGAN

Comments are closed.