BEST PRACTICES PARA SA ONLINE EDUCATION

PUSONG PANALO

SIMULA na ulit ngayong araw ang klase para sa mga estudyante ng pampublikong paaralan sa bansa, ngunit ayon sa ulat, ilang milyon din ang mga mag-aaral na hindi nagawang makapag-enroll ngayong school year. Kulang sa pera ang iba dahil nawalan ng kita ang kanilang mga magulang dahil sa pandemya.

Ang iba naman ay hindi talaga kayang bumili ng mga gadget kagaya ng smartphone o tablet, o kaya naman ay ‘di kayang magpakabit ng internet sa bahay. May mga estudyanteng may gadget nga, pero wala namang internet sa kanilang lugar.

Para roon sa mga nagawang makapag-enroll ngayong school year na ito, iba-iba rin ang haharaping pagsubok hindi lamang ng mga estudyante kundi pati na rin ng kanilang mga magulang. Halimbawa, kailangang pagsabayin ng mga magulang ang kanilang paghahanap-buhay, gawaing bahay, at pagtulong sa pag-aaral ng mga anak, lalo na kung maliliit pa ang mga ito. Kailangang tutukan at suportahan ang kanilang pagkatuto.

Ang ibang mga magulang naman, lalo na yaong mga hindi nakapag-aral nang sapat o mga hindi pamilyar sa teknolohiya, ay talaga namang walang kakayahang turuan ang kanilang mga anak. Ang problematikong koneksiyon sa internet ay isa lamang sa maraming balakid sa parte naman ng mga batang estudyante.

Ayon sa Department of Education, 59 porsiyento ng mga estudyante sa buong Filipinas ay gagamit ng printed module, 20 porsiyento ay gagamit ng online module, at 20 porsiyento ay mag-aaral offline. Dagdag pa rito, gagamitin din ang TV at radyo upang makatulong sa pagbibigay ng aralin o leksiyon sa mga mag-aaral.

(Itutuloy…)

Comments are closed.