HINDI ikinaila ng beteranang actress na si Gina Pareno na naging pasaway rin siya noong kanyang kabataan.
“Noon, nale-late rin ako. Naging pasaway ako. Siguro, part lang iyon ng kabataan,” aniya.
Gayunpaman, na-realize daw niya noon na walang ibubuti ang pagiging unprofessional.
“Kasi, kung gusto mo talagang magtagal sa showbiz, kailangang marunong kang makisama. Dapat maging professional ka. Huwag kang magbibigay ng sakit ng ulo sa producer at sa mga kasamahan mo,” sey niya.
Hindi rin niya ikinaila na may mga pasaway rin siyang nakakatrabaho sa mga bagong henerasyon ng mga artista ngayon.
“Iniintindi ko na lang sila. Katuwiran ko kasi, magbabago rin ang mga iyon ‘pag matagal-tagal na sila,” deklara niya.
Hindi tulad ng ibang beteranang artista, hindi raw siya ang tipo na nagwo-walk out sa set kung sakaling late ang kanyang mga kaeksena.
“Napagdaanan ko na kasi iyon. Bayad naman kami bilang artista. Siguro, hindi ko na rin problema iyon,” paliwanag niya.
Happy rin si Gina na sa kanyang edad ay nabibigyan pa siya ng pagkakataong makapagbida tulad na lamang ng kanyang role sa pelikulang “Hintayan ng Langit”.
Masaya rin siya na makatambal ang durable actor na si Eddie Garcia na leading man niya sa pelikula.
“Nakatrabaho ko na siya noon. Naging tatay ko rin siya pero never ko pa siyang nakatrabaho bilang leading man kaya na-excite ako,” bida niya.
Proud din siya sa kanyang role sa naturang pelikulang idinirehe ni Dan Villegas.
“Dating magkasintahan kami ni Eddie. Nangako siya sa akin na pakakasalan niya ako, pero hindi na siya nagbalik pagkatapos na sumakay ng barko. Tapos, nag-asawa na ako sa iba. Nang mamatay ako at sumunod siya, nagkita kami sa purgatoryo,” kuwento niya.
Hirit pa ni Gina, naniniwala rin siya sa langit, purgatoryo at impiyerno.
“Katoliko ako kaya naniniwala ako na merong langit, purgatoryo at impiyerno. Siguro, ‘pag may kasalanan ka, nasa purgatoryo ka muna para linisin ang mga kasalanan mo bago ka mapunta sa langit ‘pag namatay ka,” ani Gina.
Ang Hintayan sa Langit na naging kalahok sa 6th QCinema International Film Festival ay kasalukuyang palabas na sa mga sinehan.
Halaw sa dula ni Juan Miguel Severo at sa direksiyon ni Dan Villegas, kasama rin sa cast sina Maryjoy Apostol, Jomari Angeles, Karl Medina, Kat Galang, Joel Saracho, Che Ramos, Mel Kimura at Dolly de Leon.
Comments are closed.