BFAR ‘DI KIKILALANIN ANG FISHING BAN NG CHINA

HINDI  kikilalanin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang polisiya ng China na paghuli at pagkulong sa mga dayuhan na magtutungo at mangingisda sa West Philippine Sea.

Iginiit ni BFAR spokesperson Nazario Briguera ipagpapatuloy pa rin ang mga aktibidad nito sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Kamakailan ay nagpahayag ang China sa bago nitong polisiya na ipapatupad umano simula sa Hunyo 15 kung saan ikukulong ng hanggang 60 araw nang walang paglilitis ang mga trespasser sa disputed water.

Sinabi din ng BFAR official na hindi din nito kinikilala ang unilateral declaration ng China sa fishing ban sa WPS kaya wala aniyang maaaring pumigil sa mga aktibdiad ng mga mangingisdang Pilipino at sa mga lehitimong misyon ng BFAR.

Giit ni Briguera, walang legal na basehan ang deklarasyon ng China at iginiit ang posisyon ng Department of Foreign Affairs.

Paliwanag pa nito na hindi maaaring magpatupad ng fishing ban ang China sa lugar nang walang siyentipikong basehan.

Tiniyak ng BFAR official sa publiko na papaigtingin pa ang presensiya nila kasama ang Philippine Coast Guard at Philippine Navy sa WPS para protektahan ang mga mangingisdang Pilipino.
MA. LUISA GARCIA