AMINADO ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na lubhang tumaas ang presyo ng galunggong at iba pang uri ng isda sa mga pamilihan.
Sa forum ng National Press Club, ipinaliwanag ni Eduardo B. Gongona, national director ng BFAR, na ang sunod-sunod na sama ng panahon ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga isda partikular dito ang galunggong.
Nahihirapan aniya ang mga mangingisda na makapamalakaya lalo na at malalakas ang alon sa dagat kung saan nasa ilalim ng dagat ang mga isda.
Dahil sa papagandang panahon ngayong Disyembre, kumpiyansa si Gongona na maaaring dumami na ang supply ng galunggong sa merkado lalo na makapupunta na sa laot ang mga mamamalakaya.
Sakali naman aniya na pahirapan pa rin sa paghuli ng galungong ay posibleng mag-import o umangkat na lamang mula sa mga bansang Taiwan, China at Vietnam.
Kaugnay nito, sinabi ng opisyal na ilang linggo mula ngayon ay mayroong paparating na 10,000 metric tons na inimportang galunggong ang Filipinas na tiyak na magpapababa sa presyo nito. GINA MAPE
Comments are closed.