PINAGPAPALIWANAG ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang ilang nagtitinda ng isda sa ilang pamilihan ng Quezon City dahil sa hindi umano pagsunod ng mga ito sa suggested retail price (SRP).
Nag-ikot sa mga palengke kahapon ang mga tauhan ng BFAR, kasama ang kanilang direktor na si Eduardo Gongona, at nakitang marami sa mga nagtitinda ay hindi sumusunod sa itinakdang SRP para sa ilang klase ng isda.
Nasa P140 ang itinakdang SRP para sa kada kilo ng galunggong, P160 sa kada kilo ng bangus, at P100 sa kada kilo ng tilapia.
Pero nadiskubre nila sa Tandang Sora Market, naglalaro sa P190 hanggang P220 ang presyo ng kada kilo ng bangus, P180 hanggang P190 sa kada kilo ng galunggong, at P110 hanggang P120 sa kada kilo ng tilapia.
Sa Muñoz Market naman, nasa P160 hanggang P190 ang presyo ng kada kilo ng galunggong, P170 hanggang P190 ang kada kilo ng bangus, at P100 hanggang P120 ang kada kilo ng tilapia.
Naglalaro naman sa P160 hanggang P180 ang kada kilo ng galunggong, P180 hanggang P200 ang kada kilo ng bangus, at P100 hanggang P120 ang kada kilo ng tilapia sa Kamuning Market.
Ayon kay Gongona, walang dahilan para magtaas ng presyo sa isda dahil sapat ang suplay ng tilapia at bangus sa kasalukuyan, at may dagdag pang 17,000 metriko toneladang inangkat na galunggong.
“We will have to let them explain muna,” sabi ni Gongona.
Iimbestigahan din umano ng BFAR ang mga trader na sinisisi ng mga nagtitindang mahal magpresyo.
Nakatakdang gumawa ng panibagong SRP para sa mga isda ngayong Nobyembre dahil napaso na ang pinakahuling SRP na inilabas noong Hulyo.
Pero susubukan umano ni Gongona na irekomenda na panatilihin ang kasalukuyang SRP.
Kabilang sa mga isasaalang-alang sa pagbalangkas ng SRP ang presyo ng mga isda sa mismong pinagkukuhanan, at ang tubo ng mga trader at retailer.
Comments are closed.