IDINEKLARA ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na ang naunang ipinalabas nitong Fisheries Administrative Order 266 na nagre-require ng pagkakabit ng vessel monitoring system (VMS) at electronic reporting system (EPS) para sa mga Philippine Flagged fishing vessels ay isa nang boluntaryo at hindi na “mandatory”.
Sa isinagawang virtual consultative meeting ng mga may-ari ng barkong pangisda, kasama sina Atty. Michael Andayog, Officer-In-Charge ng BFAR Fisheries Regulatory and Licensing Division (FRLD), sinabi nito na ang paglalagay ng VMS-100 transceiver ay hindi na maituturing na mandato sa ilalim ng FAO No. 266.
“So more or less voluntary. We are not saying mandatory or imposing this requirement as of now,” ani Andayog.
Ginawa ng BFAR ang pahayag upang maiwasan ang anumang legal complications matapos na umalma ang grupo ng mga commercial fishing companies at magsampa ng kasong contempt sa Malabon Regional Trial Court laban sa una at sa National Telecommuication Commission dahil sa umano’y pagbabalewala ng mga ito na ihinto ang implementasyon ng FAO No. 266.
Nilinaw naman ng panig ng gobyerno na layon ng FAO 266. na palawigin ang pagmo-monitor, pagkontrol at pag-iimbestiga sa fishery resources ng bansa. Ngunit handa itong magsagawa ng iba pang paraan bukod sa pagpapatupad ng FAO 266.
Gayunman, nilinaw ng NTC na ang kanilang pagdalo sa pulong ay upang ipaliwanag lamang ang proseso kung paano nag-iisyu ang NTC ng Maritime Mobile Service Identity number sa mga fishing vessel at ang proseso sa pagpapalisensiya rito.
“Our participation here was a courtesy to the invitation extended by the BFAR. We just presented the general procedure of how to secure MMSI numbers, not specified to this project, but its general guideline based on our citizen’s charter. So, we presented it in a manner (intended) to just enlighten everyone of how NTC issues MMSI and the corresponding licenses for it, ” ani Engr. Alvin Bernard Blanco, OIC,NTC Special Licensing Branch.
Samantala, kinumpirma naman ni Paul Santos ng Bonanza Fishing and Market Resources na boluntaryo na ang pagkakabit ng VMS at hindi na mandatory..
Matatandaan na noong Hunyo 1, 2021, naglabas ng desisyon si Malabon RTC Judge Zaldy Docena na nagdedeklarang labag sa Konstitusyon ang FAO 266 ng BFAR.