BH BAGONG HENERASYON PARTY-LIST, IKINATUWA ANG PAGPASOK SA “WINNING CIRCLE”

Bernadette Herrera

IKINATUWA ni House Deputy Speaker Bernadette Herrera ang resulta ng pinakahuling survey ng RP Mission and Development (RPMD) Foundation, Inc., kung saan ipinakikita na isa ang kanyang grupo, ang BH Bagong Henerasyon Party-list sa mga napupusuan ng mga botante para sa halalan sa Mayo.

Base sa survey ng RPMD mula Enero 22 hanggang30, sa kabuuang 40 partylist organizations na pinapaboran ng publiko, pumuwesto sa ika-25 ang Bagong Henerasyon Party-list.

Lumalabas sa nasabing survey na nakopo ng partido ang 1.68 percent ng resulta, na nangangahulugang sigurado na ang isang posisyon para sa kanila sa Kongreso.

Ani Herrera, pinatutunayan lamang ng resulta ng naturang survey ang malakas na suporta ng publiko sa BH Partylist dahil sa ipinakitang husay at serbisyo ng partido bilang lingkod-bayan.

“Dito natin makikita na patuloy ang pagsuporta ng publiko sa Bagong Henerasyon Partylist. Malaki ang kanilang tiwala sa ating mga adbokasiya tulad ng gender equa­lity at ang pagsusulong sa kapakanan at kaligtasan ng ating mga kababaihan at mga kabataan. Masigasig din nating isinusulong at patuloy na isusulong ang pagpapalakas sa maliliit na negosyante o negosyo (micro-small and medium enterprises or MSMEs), consumer protection, maayos na serbisyo ng internet at mga programa nating magbabangon sa ekonomiya.

Matatandaan na ang RPMD rin ang polling company na nagdeklara kay Herrera bilang top performing partylist lawmaker sa National Capital Region noong Setyembre 2021.

Sa nasabing survey, binigyang-diin ng RPMD na nanguna si Herrera sa kabuuang limang best performing partylist representatives dahil sa nakuha nitong job approval rating na 71 percent.

Bagaman nasa ikalawang termino na bilang partylist lawmaker, naniniwala si Herrera na sakaling muling maluklok, mas maraming proyekto at programa pa ang kanyang maisasakatuparan upang mas makatulong sa mamamayan lalo na sa mga lubhang naapektuhan ng pandemya.

Bago naging Deputy Speaker sa Mababang Kapulungan ngayong ika-18 Kongreso, nagsilbi si Herrera bilang Chairman ng Committee on Women and Gender Equality at vice chairman ng Committee on Welfare of Children.

Sa kanyang ilang taong panunungkulan, napakaraming mahahalagang batas ang kanyang nilikha na kinabibilangan ng 105-Day Expanded Maternity Leave Act.

Masigasig din niyang isinulong ang panukalang pagbabawal sa child marriage sa bansa na kamakailan lamang ay opisyal na isinabatas ni Pangulong Durterte.

At upang matulungan ang mamamayan sa mga dinaranas na problema dahil sa COVID-19, nagsilbi ring isa sa mga awtor ng Bayanihan Laws si Herrera. Ang naturang mga batas ang naging daan upang  mabigyan ng dagdag kapangyarihan ang Pangulo sa pagsugpo at pagresolba nito sa mga suliraning dulot ng pan­demya.

Ipinaglaban din ng mambabatas ang isang stimulus package para sa MSMes dahil isa ang sektor na ito sa mga matin­ding hinagupit ng epekto ng COVID-19 lalo na sa kasagsagan ng community quarantine restrictions.