GANAP nang batas ang panukala ni Deputy House Speaker at Bagong Henerasyon Congresswoman Bernadette Herrera na nagbabawal sa child marriages sa bansa.
Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Duterte ang Republic Act 11596 na iniakda at isinulong ni Herrera sa Mababang Kapulungan.
“Sa akin mismo kinumpirma sa Malacanang na nilagdaan na ni Pangulong Duterte ang ating panukalang batas – ang End Child Marriage Bill. Ilang taon din itong natengga at ngayon lamang naisabatas,” masayang pahayag ng kongresista.
“Malaking tagumpay ito sa ating kampanya laban sa child marriages sa bansa. Ito ang magiging proteksyon ng mga bata, lalo na ng mga batang babae na nasisira ang kinabukasan dahil sa sapilitang pagpapakasal sa kanila,” dagdag pa ni Herrera.
Mababatid na naiparating sa Tanggapan ng Pangulo ang kopya ng Act Prohibiting the Practice of Child Marriage nitong nakalipas na Nobyembre (2021) matapos itong kapwa ratipikahan ng Kamara at ng Senado.
Si Herrera na siyang awtor at sponsor ng nasabing batas ay naging bahagi rin ng bicameral conference committee ng Senado at Kongreso na nagsagawa ng masinsinang pag-aral sa naturang panukala.
Dahil dito, ipinaabot ng kongresista ang kanyang malugod na pasasalamat sa Pangulo matapos itong lagdaan.
Binigyang-diin ni Herrera na panahon na upang wakasan ang kinagisnang kultura ng ilang sektor na pagpapakasal sa mga bata nang labag sa kalooban ng mga ito.
Malinaw aniya na ang child marriage o ang sapilitang pagpapakasal sa mga bata ay isang uri ng paglabag sa kanilang karapatang pantao.
Sa ilalim ng naturang batas, tinitiyak na may kaukulang parusa ang mga mapatutunayang mangunguna o magpapatupad ng child marriage, gayundin ang isang adult na mapag-aalamang may kinakasamang batang babae na itinuturing nitong asawa.
Ang mga ito ay pagmumultahin ng halagang umaabot sa P40,000 at pagkabilanggo nang hanggang 12 taon. Kasama sa maaaring parusahan ang mga kasabwat na solemnizing officer o ang opisyal na nagkasal sa bata, ang mga magulang o guardians o kung sino mang nagplano at umayos para maipatupad ang child marriage.