NAKATAKDANG magbawas ang Bureau of Immigration (BI) ng kanilang mga tauhan sa mga paliparan upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga ito.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, magsisimula ito sa Enero 22 hanggang Enero 31.
Sa kasalukuyang nasa 251 sa kanilang mga tauhan ang tinamaan ng COVID-19 base sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Morente nitong nakalipas na mga araw.
Aniya, sa 251 tinamaan ng COVID-19 ang 135 dito ang nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), 91 ang galing sa kanilang main office sa Intramuros at 25 ang nanggaling sa kanilang satellite offices.
Dagdag pa nito, mayroon din 269 kawani na sumasailalim ng quarantine sa government quarantine facilities at sa ngayon ay inaantay ng mga ito ang kanilang mga resulta ng swab testing bago payagang makalabas.
Samantala, pabor si Justice Secretary Menardo Guevarra sa request ng BI ng kanilang pansamantalang pagbabawas ng work force upang maiwasan mahawaan ang iba pa nilang kawani sa COVID-19.
Sa kabila nito, bukas ang lahat ng BI offices tuwing weekdays mula alas-7 ng umaga hanggang ala-5:30 ng hapon.
Hinihiling ni Morente sa publiko na unawain ang ginawang downgrading of work force sapagkat kalusugan ng lahat ang nakataya lalo na sa kanyang mga kawani. FROILAN MORALLOS