NAGBABALA si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco hinggil sa mga kumakalat na pekeng overseas employment certificates (OECs) sa pamamagitan ng online o sa internet at social media websites.
Bunsod nito nang pagkakasabat ng bagong batch na papaalis na mga Pilipino na nagpapakita ng pekeng OECs.
Iniulat ng BI travel control and enforcement unit (TCEU) ang pagka aresto ng tatlong biktima na nagtangkang lumipad patungong Warsaw, Poland sakay ng Air China flight sa Ninoy Aquino International airport Terminal 1.
Sinabi ng mga biktima na ni-recruit sila online sa pamamagitan ng messenger at nagbayad sila ng P70,000 para sa kanilang recruitment, ticket at karagdagan na P7,000 para sa mabilis na pagpoproseso ng kanilang OECs na natanggap nila sa kanilang email.
Isa pang 28-anyos na lalaking biktima ang naaresto sa Clark International Airport habang papaalis patungong Dubai sakay ng Emirates Airlines flight na magtratrabaho bilang personnel manager sa service provider at nagpakita ng pekeng dokumento.
Sinabi ng biktima na nakuha niya ang nasabing pekeng OEC sa pamamagitan ng online at nagbabayad ng P7,000.
Ang nabanggit na kaso ay nangyari rin sa dalawang babae na naaresto sa NAIA Terminal 1 patungong Poland kung saan nakuha nila sa pamamagitan ng Facebook at nagbayad ng halagang P500.
“Our system is integrated with the DMW’s database, hence it is very easy for us to verify legitimate OECs. Using these fake certificates will no longer work,” ayon kay Tansingco. PAUL ROLDAN