BI NAGBABALA VS BOMB JOKES

INIHAYAG ng pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) na maaaring hindi papasukin sa bansa o maharap sa deportasyon ang mga dayuhang masasangkot sa bomb jokes.

Nag-ugat ang nasabing babala matapos ang isang insidente nitong Miyerkules, na nagresulta sa pagkaantala ng flight ng Japan-bound Philippine Airlines (PAL) na PR412.

Ayon sa BI, ang flight na nakatakdang umalis mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, ay naantala ng limang oras matapos makatanggap ng bomb threat ang mga awtoridad sa paliparan mula sa isang hindi kilalang babae.

Agad na inilikas ang mga pasahero, at ang eroplano ay sumailalim sa masusing pagsisiyasat sa seguridad bago ito mapahintulutang makaalis.

“Bomb jokes or any comments referencing explosives are not taken lightly, especially in sensitive environments like airports. Such actions can be construed as threats and may lead to exclusion or deportation if foreign nationals are involved,” ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco.

“We urge all foreign nationals to exercise caution and refrain from making any statements or jokes that could be deemed as threats to security. Our country remains hospitable for foreigners, but for only those who follow our laws,” dagdag pa ng opisyal.

Pinaalalahanan ng BI ang mga dayuhan ng kanilang obligasyon na sumunod sa mga batas at regulasyon ng Pilipinas habang nasa bansa, at baka mabigyan sila ng sanction mula sa kanila o mula sa mga lokal na law enforcement agencies. EVELYN GARCIA