BI NAKAALERTO SA NAIA

NAIA

NAKAALERTO ang mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa lahat ng terminal sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang lugar sa bansa bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga pasahero sa mga paliparan na uuwi sa kani-kanilang mga probinsiya sa dara­ting na Undas .

Ito ay bilang pagsunod sa direktiba ni BI Commissioner Jaime Morente upang mapigilan ang grupo ng sindikato na nag-ooperate sa mga paliparan, at maaring samantalahin ng mga ito, at sumabay sa karamihan ng pasahero na aalis palabas ng bansa.

Partikular na ang maaring gawin ng international human smuggling syndicates na gamitin ang Manila bilang transit point ng  illegal aliens na nais magtrabaho sa bansa.

Kasabay na inalerto ni Morente ang mga immigration officer na nakatalaga sa NAIA para maging aktibo at hindi malusutan ng mga miyembro ng sindikato na maaring magsamantala sa panahon na ito.

Aniya, ipatupad ang tamang proseso  at higpitan ang mga outgoing, at mga incoming na mga pasahero  lalo na sa mga departure area ng airport.

Magiging kaagapay ng mga immigration officer sa pagbabantay ang mga personnel ng border control ang intelligence unit (BCIU) na siyang magsasagawa ng intelligence at counter intelligence duties kasama rito ang pag-aresto sa mga pugante at mga kriminal.

Inaasahan ng Bureau of immigration (BI) ang malaking volume ng pasahero na darating at palabas ng bansa bago ang All Saint’s Day at All Soul’s Day.

Noong nakalipas na taong 2017 at 2018, tumaas ang volume ng mga pasahero sa 6.3%, at  inaasahan na maaring umabot pa ito  sa 10% na mga pasahero na magtutungo sa labas ng bansa upang samantalahin ang mahabang bakasyon. FROI MORALLOS