(BI tutulong) IMBESTIGASYON SA CHINESE MAFIA

NAKATAKDANG makipagtulungan ang pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) hinggil sa gagawing imbestigasyon laban sa “Chinese mafia” na sangkot umano sa pagkuha ng mga Philippine passport para sa mga Chinese na nagpapanggap bilang mga negosyanteng Pilipino.

Ayon sa tagapagsalita ng BI na si Dana Krizia Sandoval, ang naturang isyu ay itinuturing na national security concern na dapat tugunan ng lahat ng mga ahensya ng gobyerno na may kinalaman dito.

Aniya, marami na umanong kaso ng mga dayuhang mamamayan ang naharang ng mga tauhan ng BI sa mga internasyonal na daungan sa buong bansa makaraang magpanggap ang mga ito na mga Pilipino sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang mga dokumento ng Pilipinas.

“The BI is ready to provide data on previous interceptions and trends, as well as future arrests, as required by investigations,” ani Sandoval.

Kaugnay nito, hinikayat ni Sandoval ang publiko na i-report sa BI ang anumang ilegal na dayuhan na maaaring umabuso sa mga dokumento ng Pilipinas para sa imbestigasyon, pag-aresto, at deportasyon.

Ang pahayag ni Sandoval ay inilabas matapos manawagan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa BI, Philippine Statistics Authority (PSA), at lokal na pamahalaan na hulihin ang mga miyembro ng “Chinese mafia”.

Ayon sa kongresista, nadiskubre ang iligal na gawain ng mafia sa isinagawang imbestigasyon ng House of Representatives Committee on Public Order kaugnay sa 530 kilo ng methamphetamine hydrochloride o kilala sa tawag na shabu, na naipuslit sa bansa ng Chinese national na si Willy Ong na napag-alamang nagtataglay ng iligal na nakuhang lehitimong pasaporte ng Pilipinas at driving license.
EVELYN GARCIA