BIADO BIGONG IDEPENSA ANG WORLD GAMES GOLD

NABIGO si Filipino cue artist Carlo Biado na depensahan ang kanyang korona makaraang yumuko kay Joshua Filler ng Germany, 8-11, sa semifinals ng men’s pool event ng 2022 World Games Linggo ng umaga sa Birmingham, USA.

May pagkakataon si Biado na magtapos pa rin sa podium subalit natalo siya kay Aloysius Yapp ng Singapore sa kanilang duelo para sa bronze, 11-8, upang magkasya sa fourth place.

Nakopo ni Filler ang gold makaraang pataubin si Sanjin Pehlivanovic sa finals, 11-8.

Si Biado, naghari sa 2021 US Open noong nakaraang taon, ang kauna-unahang World Games gold medalist ng bansa nang madominahan niya ang 2017 edition.

Ibinigay ni karate ace Junna Tsukii ang ikalawang gold ng bansa sa World Games nang pangunahan ang women’s under-50kg kumite kamakailan.

Ang World Games ay idinaraos tuwing ikaapat na taon. Ang kasalukuyang edisyon ng Games ay orihinal na nakatakda noong 2021, subalit naantala ito ng isang taon dahil sa COVID-19 pandemic.