BIBILI ang Department of Agriculture (DA) ng karagdagang AVAC live vaccines sa Vietnam upang mapigilan ang pagkalat pa ng African swine fever (ASF) sa bansa.
Ginawa ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pahayag makaraang iulat ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang paglobo ng red zones o barangays na may active ASF cases sa 458 hanggang August 21 mula sa 24 barangays lamang noong Mayo 17.
“Just to update you, meron din tayong procurement na up to 150,000 doses na susunod na,” pahayag niya sa isang ambush interview.
Aniya, gagawin ng DA ang lahat para mailarga ang unang ASF vaccination sa Lobo, Batangas sa Aug. 30, sa kabila ng reklamong inihain sa Office of the Ombudsman laban sa import at trials ng AVAC ASF live vaccines.
“We are trying our best to have everything signed and approved by Friday. We will try our best this Friday. Kung may ma-delay, baka one or two days more, but the target is this Friday,” anang kalihim.
Ang nasabing reklamo ay kinabibilangan ng alegasyon ng sabwatan sa pagitan ng KPP Powers Commodities Incorporated (KPP) executives, ang distributor ng AVAC live vaccines sa Pilipinas, at ng mga dati at kasalukuyang opisyal ng DA, BAI, at ng Food and Drug Administration (FDA).
“Medyo natakot iyong mga kasamahan natin sa Bureau of Animal Industry dahil dito. So, I will have to replace several people who are willing to do the job,” aniya, at iginiit na ang bakuna ay nakakuha na ng certificate of product registration (CPR) mula sa FDA.
Nagpahayag din si Tiu Laurel ng pangamba dahil ang posibleng pagkaantala ay posibleng magpalalavsa epekto ng ASF sa hog industry ng bansa.
“Iyong nagdemanda sa amin sa Ombudsman, you know, parang economic sabotage siya kung tatanungin sa akin.
Nadi-delay lahat ito dahil sa kanya o kung sino man iyan. Lalong mas maraming baboy na mamamatay at maapektuhan,” aniyax
Sa kasalukuyan ay may 10,000 doses na ng AVAC live vaccines sa bansa na nakuha sa pamamagitan ng emergency procurement.
Sa kabuuan, target ng DA na makapamahagi ng 600,000 doses ng ASF vaccines sa red zones ng bansa gamit ang P350 milyong pondo.
“Kapag maubos ‘yun, tapos may outbreak pa, I think meron pa kami siguro mahuhugutan na additional P300 million. So, maybe up to 1.2 million vaccines,” ani Tiu Laurel. ULAT MULA SA PNA