TATATAKAN na ang bumibili ng murang bigas at posible rin na magbigay ng booklet para maiwasan ang pagpapabalik balik sa pagbili ng P29 kada kilong bigas na opisyal ng iro- roll out ngayong Biyernes, Hulyo 5 sa piling Kadiwa Centers.
Ito ay matapos matuklasan na may ilang mamimili na may dalang ilang Identification Cards na upang makabili ng mas higit pa sa limit na pinapayagan para sa isang mamimili.
Ang naturang hakbang ay isasagawa upang maiwasan ang pagpapabalik balik ng nakabili na sa Kadiwa Center para naman mabigyan ng pagkakataon ang iba, ayon sa mga tagapangasiwa ng Kadiwa Centers.
Ito ay bahagi ng ba’t ibang sistema at paraan na isasagawa ng Department of Agriculture (DA) upang marami ang makinabang.
Sa ngayon ang pangunahing target na sektor na mabentahan ng murang P29 na kilong bigas ayon kay DA Spokesperson Arnel de Mesa, ay ang senior citizen, persons with disabilities (PWDs), solo parents, at mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Tinatatakan ang hinlalaki upang ma-monitor na ang targeted na sektor lamang ang nakakabili at ito ay sang ayon lamang sa limitadong kilo na pinapayagan ng ahensya.
Balak na rin ng ahensya na magbigay ng booklet upang matiyak na sapat lang sa sampung kilo ang nabibili ng bawat mamimili na pipila.
“Malaking bagay ang bigas na yun…bukod sa mura maganda pa ang kalidad.Saka talagang malaki ang pakinabang sa bigas na ginawa ni Presidente, maganda,” sabi ng mamimili na si Fort Binabon.
Mula nang mai -roll out ngayong linggo ang naturang P29 na kilo ng bigas na may naibebenta na sa piling
Kadiwa Centers ay mahaba na ang pila ng mga mamimili.Ang iba ay maaga pa lamang ay nakapila na.
Samantala, inaasahan ang pagdagsa ng mga piling sektor para bumili ng P29 na murang bigas sa Biyernes.
Hindi lamang mangagagaling sa National Food Authority (NFA) ang naturang bigas.Ito ay magmumula rin sa iba pang pinagkukunan ng DA.
Kamakailan lamang sinabi ni De Mesa na ang pangunahing layunin nito ay upang maibsan ang kahirapan at makatulong sa mga nangangailangan lalo na sa naturang targetted sector.
Tantya ni De Mesa ang naturang target na sektor ay 30 porsiyento ng populasyon ng Pilipinas.Inamin niya na pwedeng i-expand o saklawin pa ng pagbebenta ng murang bigas ang iba pang sektor ng lipunan.
Ang subsidiya upang makapagbenta ng naturang murang bigas ay sasagutin pareho ng national agency at Local Government Units (LGUs).Inamin niya na magiging mabigat ang gagastusin ng pamahalaan sa pagsu-subsidize nito.
Sa kasalukuyan, ang retail prices ng bigas sa merkado ay naibebenta sa halagang P42 hanggang P52 kada kilo. MA. LUISA M GARCIA