TINIYAK ng Department of Transportation (DOTr) na tatapusin ang ginagawang Bicol International Airport (BIA) sa bayan ng Albay bago matapos ang 2021.
Binisita at ininspeksiyon nina Albay Second District Rep. Joey Sarte Salceda at DOTr Secretary Arthur Tugade ang proyekto nitong linggo.
Ayon kay Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee na siyang nagpasimula sa prokyekto halos dalawang dekada na ang nakaraan at matiyagang nagtutulak nito hanggang ngayon, ang BIA ay isa sa mahahalagang susi para maibsan ang lupit ng pandemyang Covid-19 sa ekonomiya ng bansa.
Ayon naman kay Tugade, ang gusaling ‘airport terminal’ nito ay 92% yari na at matatapos sa darating na Hunyo o Hulyo, habang ang ibang bahagi naman ay 65-70% nang yari. Tiniyak niyang matatapos ang buong impraestriktura bago matapos ang 2021 sa kabila ng pandemya.
Pinasimulan ang trabaho sa P4.5-billion BIA noong 2008 at tinayang mayayari ito noong 2015, ngunit dahil sa suliranin sa pondo at iba pang mga problema, kasama na ang pagkasunog sa mga kagamitan nito, matagal na naantala ang trabaho sa proyekto.
Tatlong ‘tranches’ ang ginawang paglabas ng pondo sa proyekyo — P300 milyon noong 2009; P300 milyon uli noong 2010 para sa ‘site development’ at mga kalsada; at P970 milyon noong 2019 para sa 2.1 kilometrong ‘runway’ nito. Isa ang BIA sa mga pangunahing proyekto sa ‘Build, Build, Build Program’ ng administrasyong Duterte at inaasahang mahalagang papel ang gagampanan nito sa pagbangon ng ekonomiya na lubhang pinadapa ng pandemya.
Pinuna ni Salceda na maraming oportunidad na ang nawala at nasayang dahil sa pagkakaantala ng BIA, at umaasa siyang tiyak na itong matatapos ng DOTr sa Disyembre. Kapag nabuksan na ito, isasara naman ang Legazpi City Domestic Airport na siyang pinakaabala sa buong Bikol.
Inaasahang mga dalawang milyong pasahero ang mase-serbisyuhan ng BIA sa isang taon, na ang 1.4 milyon ay mga lokal at 700,000 naman ay mga dayuhan. Inaasahan din ng mga lokal na opisyal na dahil sumusulong na ang pagbabakuna laban sa Covid-19, maaaring matupad ang bilang na ito sa 2022 kung kailan lahat ay bakunado na.
“Hindi karaniwang international airport ang BIA. Sa timog ng Manila, tanging ito lamang ang maaaring maging tahanan ng Cebu Pacific o Philippines Airlines dahil sa ‘strategic location’ at laki ng kakayahan, bukod pa sa ‘state-of-the-art operational safety’ nito,” paliwanag ni Salceda.
Hindi kalayuan sa BIA ang makasaysayang ‘Cagsawa Ruins’ at nasa likod naman nito ang kaaya-ayang alindog ng napakagandang Mayon Volcano kaya inaasahang pipiliin itong destinasyon ng mga dayuhang turista at bisita sa sandaling matapos na ang krisis ng pandemya.
Ipinanukala ni Salceda ang BIA nang una siyang maging kinatawan ng Albay. Matiyaga niya itong itinulak nang gobernador siya ng Albay at chairman ng Bicol Regional Development Council sa loob ng siyam na taon, at hanggang ngayong bumalik na siya sa Kongreso. Pinasimulan ang trabaho sa proyekto noong 2005 ngunit naging puspusan lamang noong 2009.
“Malaki na ang pag-asang magkakaroon ng kaganapang matatapos ang BIA ngayong taon batay sa paniniyak ng DOTr. Inaasahang bubuksan nito ang yamang potensiyal ng Timog Luzon at Bicol, lalo na ng Albay na sentro ng Kabikulan na sadyang mahalaga rin sa pagsulong ng buong bansa,” dagdag na pahayag ni Salceda.
153304 195669I will tell your friends to pay a visit to this web site. .Thanks for the post. 546031