BICOL INT’L AIRPORT TATAPUSIN NGAYONG 2020

Bicol International Airport

TINIYAK  ng administrasyong Duterte na tatapusin nito  ngayong Taong 2020 ang P4.8-bilyong Bicol International Airport (BIA) sa Albay  na isa sa malalaking proyekto ng pamahalaan at maha­laga ang papel na gagampanan sa pagbangon ng bansa mula sa ma­tinding epekto ng pandemyang COVID-19.

Ayon kay Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda, ang paniniyak ay ginawa ng matataas na opisyal ng Department of Transportation (DOTr), nang inspekyunin nila ang proyekto kamakailan, Dati itong nakatakdang matapos ngayon Hulyo 2020.

Nasa loob ng kanyang distrito, sinabi ni Salceda na ang BIA ay bahagi ng malalaking proyekto sa ilalim ng ‘Build, Build, Build” Program ng gob­yerno na inaasahang magiging mga mahalagang haligi ng ekomomiya ng bansa.

Isa ang aviation industry sa mga pinalugmok ng pandemya at inaasahang malaki ang maitutulomg ng BIA upang ito’y ma­kabangon. Si Salceda ang bumalangkas at masugid na nagtulak sa BIA na ayon sa DOTr ay ‘66.61 percent complete’ na.

Sinimulan noong 2005, naging masyadong mabagal ang trabaho sa BIA bagama’t bumilis ito ng kaunti noong 2009 ngunit patigil-tigil pa rin hanggang sa maupo si Pangulong   Duterte.

Sa taya ng DOTr, nitong nakaraang Hunyo 24, nasa 81% tapos na ang Package 2A ng paliparan kung saan kasama ang Administration Building, Air Traffic Control Building, Crash Fire Rescue Building, and  Maintenance Building (Landside Facilities). Nasa ‘34% complete’ naman ang Package 2B nito kung saan kasama ang ‘Passenger Terminal Building and Runway.’

Tiniyak din ng DOTr  na naikasa na nila ang ‘24/7 work’ na pasisimulan agad para mapabilis at matapos ang BIA sa lalong madaling panahon. Mga dalawang milyomg pasahero ang inaasahang gagamit ng  BIA taon-taon at inaasahang lalong pabibilisin nito ang pag-unlad hindi lamang ng Albay kundi ng buong Bikol at Timog Katagalugan.

Itinuturing na “Most Scenic Gateway” ng bansa ang BIA. Nasa pusod ito ng buong Kabikulan at kalapit lamang ng mapang-halinang kagandahan ng Bulkang Mayon at makasaysayan at kilalang Cagsawa Ruins.

“Makatwirang umasa na matutupad ng ‘executive decisiveness’   ng administrasyong Duterte ang pagbubukas ng BIA ngayong taon,” pahayag ng kongresista. Sa mga naunang pakikipag-pu­long niya kay DOTr Secretary Arthur Tugade, tiniyak naman ng huli na mabubuksan ang BIA sa loob ng termino ni Pa­ngulong Duterte.

Comments are closed.