BICOL PNP DIRECTOR NAKIPAG-UGNAYAN SA COMELEC PARA SA 2025 POLLS

NAKIPAGPULONG si PBGen. Andre P. Dizon, PRO5 Regional Director kay Atty. Ma. Juana S. Valeza, Regional Election Director ng Commission on Election (COMELEC) ROV nitong Oktubre 8 sa Regional Center Site, Rawis, Legazpi City, Albay upang pag­handaan ang darating na eleksyon sa Mayo, 2025.

Ang nasabing pulong ay naglalayong mas patatagin ang ugnayan ng PRO5 at COMELEC sa pagsisimula ng election period.

Sa pamamagitan ng ugnayang ito, layunin ng parehong ahensya na matiyak ang isang ma­ayos at mapayapang halalan sa susunod na taon.

Kaugnay nito, gagampanan ng PRO5 ang mga kinakailangang hak­bang upang makamit ang mithiing ito kasama ang mga inisyatibo para sa pagtiyak ng kaayusan at seguridad sa buong rehiyon.

Bilang bahagi ng preparasyon, nakahanda na ang security measures ng PRO5 kasama ang maximum deployment ng mga kapulisan sa lahat ng sulok ng Bicol.

Magpapatuloy ang PRO5 sa pakikipagtulungan sa COMELEC at iba pang mga ahensya upang masiguro na ang halalan ay magiging mapayapa, ligtas at maayos.

RUBEN FUENTES