MALAKI ang posibilidad na matalo maging sa inaangkin niyang sariling balwarte sa Rehiyon ng Bicol si Leni Robredo matapos siyang ilaglag ng dalawang gobernador at sa halip ay lantarang ipinahayag ang solidong suporta sa BBM-Sara UniTeam sa darating na eleksyon sa Mayo 9.
Dahil dito ay maraming political observer ang nagsasabi na malinaw na hindi totoong solido ang suporta ng rehiyon na binubuo ng anim na probinsya kay Robredo at hindi siya nakatitiyak ng panalo doon, taliwas sa iginigiit ng kanilang kampo.
Sa campaign sortie kamakailan ng BBM-Sara UniTeam sa Masbate, iginiit ni Gov. Tony Kho na 17 sa 21 munisipalidad nila ay buo ang suporta sa tambalan nina presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at running-mate na si Inday Sara Duterte.
Lumagda rin ang mga lokal na opisyal sa pangunguna ni Kho ng isang manifesto para ipakita ang kanilang suporta sa UniTeam.
Nitong Pebrero 8, hayagan ding inendorso ni Camarines Norte Gov. Edgar Tallado ang UniTeam sa okasyon ng “Sara para sa Barangay” sa Daet na dinaluhan ni Sara Duterte.
Hinimok din ni Tallado ang kanyang mga kababayan na suportahan ang UniTeam kasabay nang paniniguro na ang tambalan ang makatutulong sa mga problema nila sa probinsya.
Nakita rin kamakailan si Catanduanes Gov. Joseph Cua na itinaas ang kamay ni Marcos sa isang okasyon sa Bicol, pero agad din niyang nilinaw na aksidente lamang ang presensya niya sa naturang okasyon.
Mas pinili namang walang suportahang presidente ang mga Villafuerte sa Camarines Sur at si Sorsogon Gov. Chiz Escudero, kahit pa nasa Senate slate ito ni Robredo.
Sa isang panayam ay inamin din ni Escudero na malapit niyang kaibigan si Marcos at kung hindi magbabago ang takbo ng numero sa survey sa Abril ay tiyak na ang tagumpay niya sa halalan.
Sa Masbate, si Kho ay may kasaysayan na kayang magpanalo ng kanyang pinipiling kandidatong pagka-pangulo sa probinsya.
“Sinabi ko kay BBM kung wala ng oras huwag ng pumunta sa Masbate dahil tatlong presidentiable na ang naipanalo natin dito na hindi na pumunta. Presidents Ramos, Estrada and GMA. We made history when GMA won because his rival is Roco na taga Region 5,” ani Kho.
“This is another history in the making dahil BBM’s rival (Robredo) is also from the region,” siniguro ng gobernador.
Ang Masbate ay kinabibilangan ng tatlong congressional district, 20 municipalities at isang lungsod at mayroong mahigit 600,000 botante.
Sa kasalukuyan, aabot na sa mahigit 20 gobernador sa buong bansa ang nagpahayag na ng kanilang solidong suporta sa UniTeam simula nang ideklara ang election period.
Marami ang naniniwala na posibleng magsunuran ang iba pang mga lider sa iba’t ibang probinsya sa pagsuporta kay BBM at Sara kapag napanatili nila ang kanilang malaking lamang sa mga paparating na survey.