PANUKALANG palakihan at pataasin ang kakayanan ng Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH), isang pang-rehiyong ospital ng pamahalaan sa Legazpi City, upang matugunan nito ang lumalaking pangangailangan ng buong Bikol sa mga serbisyo nito.
Sa inihaing House Bill 8856 ni Albay Rep. Joey Salceda sa Kamara, ipinanukala niyang itaas ang kasalukuyang 250-bed capacity ng BRTTH sa 800. Mahigit 100 taon na ang BRTTH at nagsisilbi itong Philippine General Hospital sa Katimugan na naglilingkod sa mga pasyenteng mula sa Albay, Sorsogon, Masbate at Catanduanes.
Ayon kay Salceda, sa kabila ng mga kakulangan nito, nagpupunyagi ang BRTTH na sapat na matugunan ang pangkalusugang mga pangangailangan ng mga Bikolano para magampanan nito ang mandato ng Department of Health (DOH) na magsilbing ‘Heart, Lung, Kidney and Cancer center’ sa kalagitnaan ng buong Bikol.
Isang dating US Army barracks hospital, ang BRTTH ay isa ng ‘ISO-certified institution’ mula pa noong 2012. Nabuslo na nito ang pambansang karangalang Gawad Kalasag ng DOH bilang ‘Best Hospital,’ at kinikilalang ‘Level-3 research institution’ na ng Philippine Health Research Ethics Board at ng ‘Strategic Initiative for Developing Capacity in Ethical Review (SIDCER), at ng ‘Forum for Ethical Review Committees in Asia & the Western Pacific (FERCAP).’
Ayon kay Salceda, inindorso noong 2004 at 2012 ng Bicol Regional Development Council na lakihan na ang ‘bed capacity’ nito sa 600, ngunit hindi na ito sapat ngayon dahil sobrang lumobo na ang ‘Bed Occupancy Rate’ nito noon pang 2014. Naging malikhain nga lamang ang pangasiwaan nito kaya natutugunan ang mga pangangailangan ng lumulobong bilang ng mga pasyente nito.
Mula 600 hanggang 800 o higit pa ang ‘bed capacity ng isang General Hospital, samantalang limitado lamang hanggang 200-bed capacity ang mga Specialty o Sub-specialty hospitals.
Comments are closed.