BIDDER NA NAPURNADA ANG BRIBERY ATTEMPT, SA MEDIA NGUMAWA

BRIBERY

Tumugon ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa  mga paratang na sila raw ay may pinapaborang bidder para sa technology supplier sa kanilang Blended Learning Program.

Kapansin-pansin ang ulat na lumabas sa ilang pahayagan tungkol sa reklamo ng isang bidder para magbenta ng mga tablet sa mga estudyante ng lungsod.

Isa umanong bidder, na hindi matanggap na hindi pumasa ang kanilang proposal, ang  nagrereklamong niluto raw ang bid at pinaboran ang winning bidder.

Hindi ito opisyal na reklamo na nakabinbin sa kahit anong korte o sa Ombudsman, ngunit ito ang lumabas sa mga ulat.

Ayon sa isang source sa loob ng Quezon City, mukhang “bitter” lang daw  ang reklamador na bidder kasi hindi tinanggap ang kanilang offer na lagay upang sila ang paboran.

Inilahad ng source na nag-alok ang nag-re-reklamong bidder ng pera upang sa kanila ibigay ang kontratang nagkakahalaga ng PhP 2.9 Billion. Ang nasabing  bidder ay nag-su-supply ng local brand ng mga tablet at laptop.

Ngunit tinanggihan daw ito ni Mayor Joy Belmonte. At, dahil dito, inutusan din niya ang City Administrator na gawing mas istrikto ang proseso para mag-qualify bilang bidder upang masala na rin ang mga bid na talagang katangi-tangi at mas makabubuti sa mga estudyante. Isa sa mga kwalipikasyon na dapat “global brand” ang mga tablet na bibilhin ng Quezon City.

Dahil hindi tinanggap ang kanilang lagay ay hindi na makapasok ang nagreklamong bidder dahil sa mga bagong istriktong kwalipikasyon (hindi “global brand” ang kanilang sinu-supply na mga device),  kaya nagpalabas ito ng mga pahayag na may paninira sa alkalde.

Ang ipinagtataka ng mga taga-Quezon City Hall ay ang nakasaad sa reklamo ng bidder na may nanalo na raw. Idiniin ng Quezon City Hall na mahigpit nilang sinusunod ang proseso ng bidding. Ang katotohanan ay wala pang nadedekalarang panalo, at ongoing pa rin ang proseso ng bidding.

Ang Blended Learning Program ng Quezon City ay naglalayon na makapagbigay ng mga tablet na maaring gamitin para sa online classes ng humigit-kumulang 175,000 na public school students ng lungsod.

Comments are closed.