BIDDER SA NATIONAL ID SYSTEM INURIRAT

Sol Aragones

NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang pa­ngunahing tagatagu­yod sa Mababang Kapulungan ng National Identification System o National ID ukol sa pagkakasama ng isang kompanyang nasa black list ng World Bank sa Phase 2 bidding para sa implementasyon ng nasabing ID program.

Ayon kay Kongresista Sol Aragones ng Laguna, nagtataka siya kung paanong nakasali ang Idemia and FMC sa naturang bidding para sa National ID System. Ang kompanyang ito aniya, ay sangkot sa databank at personal identification technology na ipinagbabawal ng World Bank hanggang sa Mayo 2020 dahil sa tiwali at kahina-hinalang gawa.

“Bagaman naipasa na namin ang batas at ngayon ay saklaw na ng Philippine Statistics Authority (PSA) at ng gobyerno, mahigpit pa rin naming binabantayan ang implementasyon ng National ID Program,” ani Aragones.

“Nais naming lina­win ng mga kaukulang ahensiya kung paanong ang isang kontraktor na itinakwil ng isang pandaigdigang   institusyon tulad ng World Bank ay nakasali sa bid para sa lokal na proyektong ka­sing laki at kasing sensitibo gaya ng National ID System,” diin pa ni Aragones.

Sa Implementation Plan ng Philippine Identification System (PhilSys) itinatakda sa Phase 2 ng National ID Program ang “pagbuo at lubusang pagpairal ng buod ng teknolohiyang impraestruktura, pagbuo ng malawakang pagrehistro na pang-ecosystem, use case development at pagrehistro ng mga una nang nakarehistrong mga tao.”

Ito ang bahagi kung saan naka-encode sa National ID System ang biometrics at information ng mga mamamayan.

Apat na kompanya ang nagsumite ng bid – ang NEC&LBLA, Gemalto and Nextix, Dermalog-Microgen-Airspeed, at Idemia and FMC. Ang bid ng NEC&LBLA na P1,016,782,288,000 ang pinakamataas. Ikalawa ang Gemalto and Nxtix na P879,988,888,000 at ikatlo ang Dermalog-Microgen-Airspeed na P877,999,816,000. Pinakamababa ang P684,000,000,000 ng Idemia and FMC na tinawag ng mga eksperto na isang dive bid.

Ngunit nakalagay sa rekord ng World Bank na maraming ulit nang na-censor ang Idemia. Ang huli ay noong 2017 nang matuklasan ang tiwaling gawa at pakikipagsabwatan nito sa Bangladesh. Na-censor din ang Idemia sa Finland, Denmark at Burkina Faso, isang bansa sa West Africa.

Sa ilalim ng mga patakaran ng World Bank, pinagbawalan ang Idemia na makipagtransaksiyon dito hanggang Mayo 28, 2020 kung kailaan susuriin ito at dedesisyunan kung nararapat nang isama sa listahan ng mga kontraktor ng World Bank.

Nauugnay naman ang Gemalto at Nextix sa isyu ukol sa Voter Verification System sa Filipinas na pumalya at hindi nagamit noong nakaraan halalan.

Ang mga kompanyang ito ay may kaugnayan din sa pagproseso ng biometric information ng mga indibiduwal upang tiyakin na sila nga ang mga taong iyon. Ang biometric information ang karaniwang gina­gamit ng mga law enforcement at border control agencies at iba pang gumagamit ng national ID system para makilala ang mga indibidwal.

Una nang nagpaha­yag si Presidente Duterte ng kawalang-tiwala sa lowest bidder system na ginagamit ng gobyerno sa pagkakaloob ng kontrata. Aniya, karaniwan nang nagreresulta ito sa pagdeliber ng mababang kalidad ng mga kagamitan at serbisyo. Pinuna rin niya na ang mga dive bid ang lubhang nakakaduda dahil napakamura ng mga ito.

Comments are closed.