BIG TICKET INFRA PROJECTS ‘DI APEKTADO NG REENACTED BUDGET

HINDI maaapektuhan ang big ticket infrastructure projects sakaling magkaroon ng reenacted budget para sa 2019 dahil sa ‘multi-year obligation authority’, ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno.

Ilang major projects ang nakatakdang isailalim sa ground breaking sa susunod na buwan, kung saan ang konstruksiyon ay isasagawa sa mga darating na taon.

Ani Diokno, ang ground breaking para sa Mega Manila Subway project ay nakatakda sa Dis. 19, kasabay ng pagbubukas ng NLEX Harbor Link Project, na makababawas sa haba ng biyahe ng mga  bus at truck mula Roxas Boulevard hanggang NLEX ng isang oras.

Gayunman, nagbabala si Diokno na tatamaan ng reenacted budget ang maliliit at lokal na proyekto.

Nauna rito ay sinabi ng Senado na ang 2019 budget, na inaprubahan ng Mababang Kapulu­ngan ng Kongreso noong Nob. 20, ay maaaring hindi maipasa sa chamber bago ang Christmas break sa kalagitnaan ng Disyembre.

Sa iskedyul na ipinalabas ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, ang budget ay maaaring malagdaan sa unang linggo ng Pebrero.

Subalit dahil na rin sa panawagan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at ng Malakanyang ay nangako si Zubiri na magdo-double effort ang mga senador para maratipikahan na ang budget sa Disyembre 13 at malagdaan ito ni Pangulong ­Rodrigo Duterte bago mag-Pasko.

Comments are closed.