BIG-TIME DAGDAG-PRESYO SA PETROLYO AARANGKADA NA

PETROLYO-18

SASALUBONG sa mga motorista ang malakihang dagdag sa presyo ng mga produktong petrolyo bukas, Martes.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng  Chevron Philippines Inc. (Caltex) at Pilipinas Shell Petroleum Corp. na tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P1.75, diesel ng P2.10, at kerosene ng P2.65.

Magpapatupad ang Petro Gazz ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na hindi nila iniaalok.

Epektibo ang taas-presyo simula alas-12:01 ng umaga ng Martes,  Mayo 26, para sa  Caltex, at alas- 6 ng umaga ng kaparehong araw para sa iba pang kompanya.

Ito na ang ika-4 na sunod na linggo na may pagtaas sa presyo ng gasolina, at ikatlo para sa diesel at  kerosene.

Hindi pa kasama sa adjustments ang  10% dagdag-buwis sa imported crude oil at refined petroleum products na ipinataw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng Executive Order 113 na kanyang nilagdaan noong Mayo 2.

Ayon sa mga kompanya ng langis, ang adjustments ay base lamang sa paggalaw sa Mean of Platts Singapore (MOPS), ang benchmark para sa local fuel products.

Comments are closed.