BOHOL – NASAKOTE ang 41-anyos na lalaki na tinaguriang big-time drug pusher at nasamsaman ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P9.1 milyong sa isinagawang buy-bust operation sa lalawigang ito.
Batay sa ulat ng pulisya ang suspek ay nakilalang si Vicente Sarno, nakatira sa Albuquerque, Dauis.
Ayon sa ulat ng mga operatiba, ang suspek ay nasakote sa isang buy-bust operation at nakunan ng 1.3 kilo ng shabu ng Provincial Intelligence Unit ng Bohol Police Provincial Office nitong Biyernes ng hapon sa Barangay Mariveles sa bayan ng Dauis.
Sinabi ni Lt. Col. Joemar Pomarejos, hepe ng PIU, ang suspek ay minanmanan sa nakalipas na mga buwan matapos mabanggit ang kanyang pangalan sa nakaraang anti-illegal drug operations.
Ani Pomarejos, ang suspek umano ang nag-iingat ng malaking halaga ng illegal drugs na ipakakalat sa naturang lalawigan.
Dagdag nito, inihahatid ang illegal drug sa pamamagitan ng isang contact na kasalukuyang nakaditine sa isang jail facility.
EVELYN GARCIA