BIG-TIME LPG PRICE HIKE

LPG-5

SUMALUBONG sa Bagong Taon ang malakihang pagtaas sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG).

Sa abiso ng Phoenix Petroleum, ang presyo ng Phoenix Super LPG ay tumaas ng P4.15 kada kilo. Katumbas ito ng P45.65 pagtaas sa isang tipikal na 11-kilogram LPG tank.

May dagdag-presyo rin ang Phoenix sa kada litro ng kanilang Auto LPG ng P2.35. Epektibo ang price adjustments ng kompanya kahapon ng alas-12:01 ng umaga.

Samantala, nagpatupad naman ang Solane ng P3.73 kada kilong pagtaas sa kanilang LPG. Katumbas ito ng P41.03-hike sa 11-kilogram cylinder. Ang LPG price increase ng Solane ay epektibo alas-6 ng umaga kahapon.

Epektibo alas-12:01 ng umaga kahapon ay nagpatupad din ang Petron Corp. ng price increase sa kanilang household at auto LPG.

Ang presyo ng LPG ng Petron ay tumaas ng P4.16 kada kilo, na katumbas ng P49.06 increase sa tipikal na 11-kilogram tank. May pagtaas din na P2.33 kada litro sa presyo ng kanilang AutoLPG.

Ayon sa Petron, ang taas-presyo ay bunga ng paggalaw ng  international contract price ng LPG para sa buwan ng Enero.

Sa pinakahuling datos ng Department of Energy (DOE), ang presyo ng isang 11-kilogram household LPG tank ay nasa P550 hanggang P861.

Comments are closed.