BIG-TIME OIL PRICE HIKE BUBUSISIIN

Rep Stella Quimbo

PINAIIMBESTIGAHAN ng isang mam­babatas sa House Committee on Energy ang ipinatupad na malakihang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ng mga lokal na kompanya ng langis, na ang idinadahilan ay ang naganap na ‘drone attack’ sa Kingdom of Saudi Arabia noong nakaraang buwan.

Sa House Resolution no. 390 na kanyang inihain, binigyang-diin ni neophyte Marikina City Rep. Stella Quimbo Marikina City ang kanyang malaking pagdududa sa posibleng manipulasyon ng local oil players sa pagtatakda ng pump price, na maituturing  na pananamantala rin at hindi nakabubuti sa mga konsyumer.

Ayon kay Quimbo, sa ilalim ng Republic Act 8479 o ang Downstream Oil Industry Deregulation Act, inaatasan ang Department of Energy (DOE) na tiyakin ang pagkakaroon ng sapat na imbentaryo ng petroleum products sa bansa.

Base naman sa DOE Department Circular no. 2003-01-001, itinatakda ang pagkakaroon ng nakaimbak na produkto, na sasapat para sa  hanggang 15 araw na pangangaila­ngan, ang lahat ng oil companies at bulk suppliers.

Nakasaad pa sa naturang department circular na ang  lahat ng ‘refiners’ ay dapat na may ‘minimum inventory’ na katumbas ng 30 araw na suplay ng  petroleum crude oil at refined petroleum products.

Sinabi ni Quimbo na dahil ang malaking bahagi ng pinagkukunan ng suplay ng langis ng Filipinas ay nagmumula sa Saudi Arabia, tiyak na may epekto sa bansa ang nangyaring pag-atake sa dalawang pasilidad nito noong Setyembre 14.

“Last September 14, a drone attack took place on two oil facilities in Saudi Arabia, knocking out  nearly 60 percent of Saudi Arabia’s oil capacity, thus affecting the capacity of Saudi Arabia to produce oil for the world market, which reached up to 9.8 million barrels per day,” nakasaad pa sa HB 390.

Subalit ang nakapagtataka, aniya, noong September 23 ay nagpatupad ng taas-presyo ang local oil companies ng P2.35 kada litro sa gasolina, P1.80 kada litro sa diesel at P1.75 kada litro sa kerosene, siyam na araw matapos ang ‘drone attack’ sa Saudi Arabia.

Kung ang itinuturong dahilan ng price hike  ay ang pagpapasabog sa oil facilities ng naturang middle-east country, sinabi ni Quimbo na kuwestiyonable ito lalo’t siyam na araw makalipas ang insidente ay nagalaw na ang presyuhan ng langis sa bansa gayong may 30 araw na nakaimbak na suplay ang local oil players. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.