BIGA NG SKYWAY BUMAGSAK, LIBO-LIBONG MOTORISTA NAABALA

BIGA-11

LIBO-LIBONG motorista  ang naabala bunsod ng malubhang daloy ng trapiko sa kahabaan ng North Luzon Expressway nang mapilitang isara ang ilang lane nito nang bumagsak ang biga o coping beam na ikinakabit sa column ng tinatayong Skyway.

Kasalukuyang pinag-aaralan pa ng mga enhinyero ng  DPWH at ng kompanyang gumagawa ng SLEX-NLEX extension project kung bakit bumagsak ang 58-ton na coping beam malapit sa Balintawak southbound exit bandang alas-2 ng madaling-araw ng Linggo.

Ayon sa  pahayag ng isang  rigging engineer na kinilalang si Reggie Garcia,  nang  maia­ngat ay  nagkaroon ng problema sa lifting log pero ‘yun  umano ay nasa design naman.  “Wala namang may gusto, bumigay ‘yung lifting log at ‘yan ang nangyari,” ani Garcia.

Ayon sa pamunuan ng NLEX, wala namang nasaktan sa nasabing insidente.

Kinailangang ibaba muli ang  coping beam para sirain na itong tuluyan at palitan ng bago.

Lumalabas pa sa pagsisiyasat na  ang  coping beam ay may apat na  lifting eye o lifting log na siyang pinagkakabitan ng  kadena ng crane  at dalawa  rito ang nasira.

Dahil sa aksidente  ay  isinara pansamantala ang isang southbound lane na nasakop ng crane kaya sa isang lane lamang pansamantalang nakadadaan ang mga motorista na naging sanhi ng malubhang daloy ng trapiko. VERLIN RUIZ

Comments are closed.