BUMAGSAK na ang presyo ng bigas dahil dumami na ang supply nito sa mga pamilihan.
Labis na ikinatuwa ng mga mamimili ang pagbaba ng presyo ng bigas na ang lokal ay nabibili ng P36 kada kilo lamang kumpara sa mga nakaraang buwan na umaabot sa P42-44 kada kilo ang pinakamura.
“Wala nang rice crsis,” ang natutuwang pahayag ng mga mamimili sa Pasig Mega Market na suki ng NFA rice dati.
May mabibili ng bigas sa halagang P34 kada kilo pataas. Mayroon ding ibang variety na P30 kada kilo na bigas na maalsa o tinatawag na laon.
Nakikitang dahilan dito ay ang pagbuhos din ng imported na bigas at nagpababa rin sa presyo ng lokal na bigas.
Ayon naman sa ilang may ari ng bigasan, maaring sa pagsapit ng tag-ulan, malalaman kung may epekto ang Rice Tariffication Act sa presyo ng bigas.
“By August siguro baka roon kumilos ang ating imported,” aniya. “Hindi natin masasabi, wala pa eh, basta sa tag-ulan malalaman na natin.”
Sa ilalim ng Rice Tariffication Act, na inaprubahan noong Pebrero, wala nang limitasyon sa importasyon ng bigas kasabay sa pagpapataw ng taripa sa imported rice.
Isa sa mga pangako ng nasabing batas ay ang pagbaba ng presyo ng bigas dahil sa pagdami ng suplay sa merkado.
Ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, depende pa ito. “The only question there would be, would the traders be willing to go that low? Siguro ‘pag stiff ‘yong competition, they will be willing to go that low,” ani Piñol.
“We cannot project, we can only monitor,” dagdag ng kalihim.
Ayon sa Bureau of Plant Industry (BPI), ang pumasok na inangkat na bigas sa bansa ay nasa halos 170,000 metriko tonelada.
Mula ito sa request na 819,000 metriko tonelada mula nang ipatupad ang Rice Tariffication Act.
“From our data noong 2018, nasa 1.4 million metric tons tayo, almost namamarehas on the average,” pahayag ni Gerald Glenn Panganiban, assistant director for regulatory operations ng BPI. ANGELO BAIÑO
Comments are closed.