HINIKAYAT ni AGRI party-list Rep. Wilbert Lee ang Department of Agriculture (DA) na makipagtulungan sa International Rice Research Institute (IRRI) para makabuo ng mga paraan na makatutulong sa mga Pilipinong magsasaka na makagawa ng ultra-low glycemic index (GI) at protein-rich na uri ng palay.
Ang pag-mainstream ng produksyon ng iba’t ibang uri ng bigas ay makakatulong nang malaki sa pagbabawas ng mga kaso ng diabetes mellitus sa bansa, sinabi ni Lee.
“Alam natin na ang Pilipinas ay isa sa mga nangungunang mamimili ng bigas sa buong mundo. At dahil ang bigas ay tila permanenteng bahagi ng ating [pangunahing] pagkain, hindi natin maaaring balewalain ang koneksyon nito sa napakaraming taong may diabetes sa bansa,” anito.
Sa pagbanggit sa 2021 statistics mula sa International Diabetes Federation, sinabi ni Lee na humigit-kumulang 4.3 milyong Filipino na nasa hustong gulang o 6.4 porsiyento ng 66,754,400 kabuuang populasyon ng nasa hustong gulang sa bansa ang dumaranas ng diabetes.
Noong 2023, naitala ang pagkamatay sa Pilipinas dahil sa diabetes mellitus sa 14,416, kaya ito ang ikaapat na nangungunang sanhi ng pagkamatay sa bansa, dagdag niya.
Aniya, layunin ng IRRI na ipakilala ang ultra-low GI, high protein rice variety sa 2025.
Sinabi ng IRRI na ang multi-location trial para rito ay nagsimula na sa mahigit 10 probinsya sa buong bansa.
Ang glycemic index ay isang ranggo ng mga pagkaing naglalaman ng carbohydrate batay sa kung gaano kabagal o kabilis ang mga ito natutunaw at nagpapataas ng mga antas ng glucose sa dugo, na may purong asukal na may markang 100.
Sinabi ng IRRI na inaasahan nito na mas maraming magsasaka ng palay ang maglilinang ng iba’t-ibang uri ng palay sa sandaling matukoy ng mga pagsubok ang target na pamilihan.
Ayon sa IRRI scientists, ang presyo ng ultra-low GI, high protein rice ay magiging kapareho ng regular na bigas na makukuha sa mga pamilihan.
“Dahil sabi ng mga eksperto, madali tayong mabusog sa pagkonsumo nitong bigas, na mas maliit ang konsumo para sa atin. Lesser worries on sickness already, also, less worries on expenditures,” dagdag ni Lee. (PNA)