TARGET ng Pilipinas na mapalawig ang kanilang regional supremacy sa boxing sa pagkasa ng loaded lineup para sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Pangungunahan nina Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio at bronze medalist Eumir Marcial lead ang 10-strong Philippine boxing team sa May 15-23 tournament.
Ang mga Pinoy ay nagpasikat sa 2019 SEA Games na idinaos sa bansa sa pagdomina sa torneo makaraang humakot ng 7 golds, 3 silvers, at 2 bronzes.
Sa Vietnam ay hindi idedepensa ni Petecio ang kanyang featherweight (57kg) title makaraang umakyat sa lightweight (60kg) division.
Sa tulong ng kanyang Olympic experience at sa panalo kamakailan bilang isang professional boxer, si Marcial ay inaasahang maidedepensa ang kanyang middleweight (75kg) title sa Hanoi.
Ayon kay Association of Boxing Alliances in the Philippines secretary general Marcus Manalo, hindi makakasama si Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam sa kampanya ng Filipino boxers sa Vietnam.
“Carlo is still catching up with his competition form,” aniya.
Sa halip ay si Rio Olympics campaigner Rogen Ladon ang kakatawan sa bansa sa flyweight (52kg) category, kung saan siya ang defending champion.
Nasa lineup din sina 2019 SEA Games gold medalist James Palicte (63kg), silver medalist Marjon Piañar (69kg), at bronze medalist Ian Clark Bautista (57kg).
Sasamahan ni Tokyo Olympics campaigner at 2019 SEA Games silver medalist Irish Magno (51kg) si Petecio sa lineup ng Filipina boxers na sasabak sa Vietnam.
Nakatakda namang idepensa ni national team veteran Josie Gabuco ang kanyang light flyweight (48kg) crown sa Hanoi, habang umaasa si past SEA Games silver medalist Riza Pasuit na makasuntok ng gold sa featherweight division (57kg).