BIGONG MAKAPAGHATID NG RELIEF GOODS SIBAK

BINALAAN  ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na sisibakin sa trabaho ang mga pinuno ng provincial office sa Abra kung hindi pa rin maabutan ng relief goods ang lahat ng apektadong residente hanggang Linggo.

Ayon kay Tulfo, nabasa niya sa social media ang hinaing ng ilang residente na ilang araw nang walang makain.

“Kinausap ko ‘yung provincial officer na ‘wag nang pagbukasin pa at magbigay na. Sabi ko kapag ako ay bumaba pa at maabutan ko na isang bayan ang hindi nahatiran ng tulong sinabi ko na baka wala kayong trabaho sa Lunes,’ pahayag ni Tulfo.

Sinabi pa ni Tulfo na dapat maipamahagi lahat sa mga apektadong residente ang ayuda sa oras na maibaba nila ito sa mga lokal na pamahalaan.

Pero may iba’t ibang problema rin umano ang ibang lokal na pamahalaan gaya ng mga sasakyan at tauhan kaya’ t pahirapang mahatiran ng tulong ang mga nakatira sa mga liblib na lugar.

Samantala magpapadala pa ng karagdagang relief goods ang DSWD sa Abra at mga karatig probinsya mula sa kanilang national resource operation center sa Pasay City. Beth C