PINAGPAPALIWANAG ng Department of Interiors and Local Government (DILG) ang mga opisyal ng may 1,129 barangays dahil umano sa kabiguan nilang makiisa sa rehabilitasyon ng Manila Bay.
Babala pa ni Interior Undersecretary Martin Diño ay sasampahan ng reklamo ang mga barangay official sa tanggapan ng Ombudsman oras na mabigo silang magpaliwanag sa loob ng limang araw na nakasaad sa inilabas na show-cause order.
Nauna rito ay inatasan ng DILG ang mga opisyales ng may 5,700 barangays sa Metro Manila at mga karatig bayan at lalawigan na linisin ang coastal areas o inland water systems bawat linggo at idokumento ang kanilang aktibidad.
Kaugnay nito ay tutukan ng pamahalaan ang pagpaparating sa publiko ng mabigat na kaparusahan laban sa mga nagtatapon ng basura sa mga ilog, lawa, estero sa Kalakhang Maynila at kalapit na lalawigan ng Laguna at Cavite.
Ang Manila Bay clean-up ay inilunsad noong Enero 27, tatlong buwan matapos wakasan ng gobyerno ang pagpapasara at rehabilitasyon ng Boracay island.
Magugunitang inihayag ng mga eksperto na maaring tumagal ng ilang taon ang paglilinis ng Manila Bay at gugugulan ito ng aabot sa P47 bilyon. VERLIN RUIZ
Comments are closed.