BIGTIME CHILD TRAFFICKER NADAKIP SA UAE NASA BANSA NA

INIHAYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang pagkakaaresto ng isang big-time child trafficker na nambiktima ng daan-daang batang Pilipino.

Ayon sa kalihim, naaresto kamakailan ang suspek na kinilalang si Teddy Jay Mojeca Mejia sa United Arab Emirates (UAE).

Sangkot ito sa pagbebenta ng child sexual abuse at exploitation materials kung saan lumalabas na nasa 111 kabuuang bilang na ang kanyang nabiktima.

Nabatid na umalis si Mejia patungong Dubai noong 2021 at mula noon ay hindi pa bumabalik ng Pilipinas.

Sa pakikipag-ugna­yan naman sa pamahalaan ng naturang bansa, ang child trafficker ay ibabalik na sa Pilipinas.

At dumating na sa bansa kahapon si Mejia matapos maiturnover sa mga awtoridad ng Pilipinas.

Iniharap si Mejia nina Abalos at PNP chief General Rommel Francisco Marbil sa media sa NAIA Terminal 3.

Itinuturing ng kalihim ang pagkakaaresto kay Mejia na isang malaking hakbang sa laban ng gobyerno kontra human trafficking.

“Para sa mga walang-pusong nang-aabuso ng menor de edad na kabataan, malinaw ang mensahe: wala kayong ligtas na taguan; kahit saan man kayo pumunta tiyak na haharap kayo sa batas upang manaig ang hustisya,” ani Sec. Abalos.

EVELYN GARCIA