BATANGAS- ISANG big-time cockpit arena operator at derby enthusiast tinambangan nitong Huwebes ng gabi sa Barangay Natatas, Tanauan City sa lalawigang ito.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, kinilala ang biktima na si Joselito de Chavez, 47- anyos, may- asawa at residente ng San Jose, Batangas.
Sa imbestigasyon isinagawa ng Tanauan police station, minamaneho umano ni de Chavez ang kanyang Navarra pick- up pauwi ng bahay nang bundulin ito mula sa likuran ng isang lumang kotse na minamaneho ng hindi pa nakikilalang suspek.
Nang magmenor ang biktima at tinangkang itabi ang kanyang sasakyan ay dito na umano ito pinagbabaril ng mga suspek.
Ilang nakasaksi sa insidente ang agad na tumawag ng pulis at mabilis na isinugod sa Laurel Memorial Hospital ang biktima subalit dead on arrival ito sa nasabing pagamutan.
Masusing inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan sa sasakyan na ginamit ng mga suspek at kung ang motibo sa nasabing pananambang.
Sinabi naman ni Tanauan city police chief Lt. Col. Karlos Pablo Lanuza na tinitingnan din nilang anggulo ang umano’y love triangle, money lending business at ang kaugnayan nito sa pagiging big-time cockpit operator. ARMAN CAMBE