BIGTIME DRUG PUSHER TIKLO SA P173.4-M SHABU

NAKAKUMPISKA ang Quezon City Police District- Drug Enforcement Unit (QCPD-DEU) ng P173.4 milyong halaga ng shabu mula sa isang drug dealer sa isinasagawang drug operation kahapon ng umaga sa nasabing lungsod.

Isinagawa ang anti-illegal drug operation bandang ala-6:30 kahapon ng umaga sa harap ng No. 267, sa kahabaan ng Roosevelt Ave., Brgy. San Antonio, Quezon City kung saan nasakote ang suspek na si Rodgene Umali y Uno, 36-anyos.

Sa mga ulat na isinumite kay ARD, BGen Jonnel Estomo, ang QCPD- DEU kasama ang PNP Drug Enforcement Group- Special Operations Unit- NCR, Special Operations Unit 7 at Regional Intelligence Unit- NCR ay nagsagawa ng anti-illegal drug buy-bust operation na nagresulta sa pagkakakumpiska ng humigit-kumulang 25.5 kilo ng shabu kasama ang siyam na bundle ng boodle money.

Tinatayang nasa P173.4 milyon ang halaga ng iligal na droga ang nakumpiska sa nasabing suspek.
Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang suspek para sa kaukulang disposisyon habang nakabinbin ang pagsasampa ng mga reklamo para sa paglabag sa Sec. 5 (Selling of Dangerous Drugs) at Sec.11 (Possession of Dangerous Drugs), sa ilalim ng Art. II ng R.A. 9165 “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”

Sa isinagawang ocular inspection ni Estomo kasama si ADRDO, BGen Jack L Wanky ay pinuri ang matagumpay na pagsasagawa ng operasyon na nagresulta ng pagkakakumpiska ng milyong halaga ng shabu.

“Tuloy tuloy po tayo sa ating kampanya laban sa iligal na droga. Ako’y nagpapasalamat sa ating mga tropa sa ilalim ng pamumuno ni BGen Nic D Torre, PDEA, at operatiba narito. Kami po ay nakikiusap sa lahat ng mga involve sa iligal na droga, tigilan na po natin ito at masama po ito,” giit ni Estomo. EVELYN GARCIA