LAGUNA- NALAMBAT ng pinagsanib puwersa ng Laguna Provincial Drug Enforcement Unit at Pila police station ang isa sa tinaguriang bigtime drug pusher ng ika-apat na distrito ng lalawigan at tatlo pang kasamahan nito sa ikinasang buy bust operation nitong Martes ng gabi sa Barangay Labuin, Pila ng nasabing lalawigan.
Sa pahayag ni Major Abelardo Jarabejo lll, hepe ng Pila police station, kinilala ang mga suspek na sina Delfrie Calica, 31-anyos; RJ Oliva , 27-anyos ; Alias Jared at Lawrence na pawang mga binata at mga residente ng Barangay Bubukal at Duhat , Sta. Cruz, Laguna.
Ayon kay Jarajebo, si Calica ay dati nang nakulong sa Laguna provincial jail dahil sa kahalintulad na kaso samantalang ang tatlo nitong kasamahan ay mga baguhan sa pagtutulak ng droga.
Sa nasabing operasyon, nadiskubre ng mga awtoridad ang pag-arkila ng mga suspek ng isang private room ng resort na siyang pinagdausan ng drug session.
Base pag-imbestiga ni Sgt. Maligalig, leader ng operating team ng LPDEU, isang impormasyon ang natanggap ng kanilang himpilan tungkol sa umano’y malakihang pagbebenta ng droga sa isang private resort sa nabanggit na lugar.
Agad na bumuo ng isang special team ang Laguna PDEU at ikinasa ang buy bust operation para sa mabilis na ikadarakip ng mga suspek.
Sa ganap na alas-9 Martes ng gabi, sa loob ng isang unit ng Kenyo resort, agad na dinakip ng mga pulis ang apat matapos tanggapin ang marked money mula sa nagpanggap na poseur buyer at mabilis na dinala sa Laguna police provincial custodial cell.
Nakumpiska sa mga suspects ang may 600 gramo ng shabu na may street value na P600,000.
Ang apat ay nahaharap sa kasong paglabag sa R.A.9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. ARMAN CAMBE