SULTAN KUDARAT- ARESTADO ang isang hinihinalang big-time drug pusher at nasamsam ang shabu na nagkakahalaga ng P1.7 milyon sa isinagawang buy-bust operation sa Esperanza sa lalawigang ito.
Ang matagumpay na drug buy-bust operation na isinagawa ng mga tauhan ng PRO 12 sa ilalim ng pangangasiwa ni BGen. Jimili L. Macaraeg, Regional Director ay nagresulta sa pagkakasamsam ng 250 gramo ng shabu na may National Standard Drug Price na P1,700,000.00 sa New Tarlac, Brgy.Villamor, Ezperanza , Sultan Kudarat.
Ang drug entrapment operation ay isinagawa ng mga tauhan ng Regional Police Drug Enforcement Unit 12 sa koordinasyon ng PDEA 12 na humantong sa pagkakaaresto sa suspek na nakilalang si Halina Kamad, nakatira sa Kabuntalan Talipapa, Datu Piang, Maguindanao at tinaguriang High Value individual (HVI).
Nakumpiska sa operasyon ang tatlong pirasong large-sized at sampung pirasong medium-sized rectangular shape heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting crystalline substance na pinaniniwalaang shabu.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng South Cotabato Provincial Forensic Unit ang mga narekober na ebidensya habang ang suspek ay itinurn-over sa Esperanza Municipal Police Station at kalaunan ay ipinasa sa kustodiya ng PDEA 12 para sa kaukulang disposisyon at karagdagang dokumentasyon. EVELYN GARCIA