BIKE LANES PINALAWAK NG DOTr, BACOOR-LGU

CAVITE – UPANG maibsan ang lumalalang problema sa tra­piko sa Bacoor, nagsimulang palawakin ng  Department of Transportation (DOTr) at lokal na pamahalaan ang mga umiiral na bike lanes sa lungsod at hinihikayat ang mas maraming siklista na lumahok sa Active Transport Program ng ahensiya.

Ayon kay Transport Secretary Jaime J. Bautista, ang pagbibisikleta at paggamit ng bike lanes ay makakatulong sa pagresolba ng trapiko sa lungsod.

“With the construction of bike lanes, kahit papaano makakatulong tayo na mabawasan ang traffic dito sa Bacoor,” saad ni Bautista.

Sinabi ng transport chief na ang pagtatayo ng bike lanes ay agad na magkakaroon ng epekto sa mga residente na inaasahang matatapos ang konstruksyon ng Metro Land Builders Corp. bago dumating ang Pasko.

“Ito po ay talagang papakinabangan ng ating mga kababayan na nagbibisikleta pagpasok sa opisina at paraan para ma improve ang ating kalusugan. Ako’y nanawagan sa ating contractor na sana ay tapusin ang project na ito bago mag Pasko para regalo natin sa mga taga Bacoor,” ani Bautista.

Humigit-kumulang 18.96 kilometro ng bike lane ang gagawin sa lungsod upang ma­kinabang ang mahigit 664,000 aktibong gumagamit ng transportasyon, kabilang ang mga siklista, estudyante, at manggagawa sa lungsod.

Ang mga bike lane at iba pang aktibong transport facility ay itatayo sa mga bahagi ng Bacoor Boulevard, Bacoor-Imus Diversion Road, at Emilio Aguinaldo Highway.

Sa kasalukuyan ay nakapaglagay na ang DOTr ng halos 800 kilometrong bike lanes sa 32 local government units sa buong bansa.

SID SAMANIEGO