RIZAL- MATINDING pinsala sa ulo ang tinamo ng isang motor rider makaraan bumundol ng kapwa biker sa Barangay San Juan, Cainta sa lalawigang ito kamakalawa ng umaga.
Idineklarang dead on arrival ng mga attending doctor ng Rizal medical center ang biktimang si Samuel Olegario, 25-anyos, binata at residente ng Poblacion ng naturang bayan.
Ayon kay Lt.Col. Orlando Carag Jr, OIC ng Cainta police station, mabilis umanong binabagtas ng minamanehong motor ni Olegario ang kahabaan ng Maytikling highway nang biglang sumulpot ang sinasakyang bisikleta ni Art Leo Britanico, ,21-anyos at residente ng nasabing barangay.
Sa lakas ng pagkakabundol tumilapon ng may limang metro si Olegario samantalang sugatan naman si Britanico.
Mabilis naman nakaresponde ang Cainta Municipal Disaster Risk Reduction Office at agad na naisugod sa hospital ang mga biktima kung saan hindi na umabot ng buhay ang rider.
Inaalam pa ng pulisya kung may pananagutan ang biker sa nasabing insidente. ARMAN CAMBE